IMPERYALISMO

Ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang mga ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino.

Ang Pilipinas ay kontrolado ng imperyalismong US. Kasabwat nito ang lokal na mga naghaharing uri ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Kinakatawan ng mga ito ang paghahari ng tatlong salot na pahirap sa sambayanang Pilipino: ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.

A. Ang imperyalismong US ang pangunahing dahilan ng kahirapan ng sambayanang Pilipino

Ang imperyalismong US ang pangunahing nakikinabang at pinakamapagpasyang pwersang nagtataguyod sa kasalukuyang naghaharing sistema sa Pilipinas.

1. Ano ang imperyalismo?

Ang imperyalismo ay ang monopolyong yugto ng kapitalismo, ang huling yugto ng kapitalismo. Lumitaw ito nang makontrol ng mga monopolyong kapitalista ang ekonomya, pulitika at kultura ng pinakaabanteng kapitalistang mga bayan.

Bago lumitaw ang imperyalismo, ang mga kapitalista sa mauunlad na bayan ay libreng nagkukumpitensyahan sa pamumuhunan, produksyon, pagbebenta at paggamit sa pautang. Sa panahon ng imperyalismo, nakonsentra sa kamay ng iilang malaking kapitalista ang puhunan sa industriya at bangko, at pinagsanib ang mga ito. Sa gayon, nakokontrol nila ang buu-buong industriya at nakapagdidikta sila ng laki ng produksyon, presyuhan at pagpapautang.

Hawak nila ang mga pamilihan, pinagmumulan ng hilaw na materyales, modernong teknolohiya at bihasang paggawa (skilled labor). Pati ang kapalaran ng mas maliliit na kapitalista ay mapagpasyang naiimpluwensyahan nila.

Mga halimbawa ng mga monopolyong kapitalista sa US sina Rockefeller at Getty na makapangyarihan sa industriya ng langis, ang grupong Morgan na makapangyarihan sa pagbabangko, at ang grupong Ford at Du Pont sa pagmamanupaktura ng mga sasakyan.

Ang US ang pinakamalaking imperyalistang kapangyarihan sa buong daigdig sa kasalukuyan. Mga imperyalistang bayan din ang Japan, Germany, Pransya at Britanya.

2. Bakit katangian ng imperyalismo ang pananakop at pagkontrol sa atrasadong mga bayan?

Kailangang-kailangan ng mga imperyalistang bayan ang mga kolonya at malakolonya. Ang mga bayang ito ang pinagkukunan ng murang hilaw na materyales, pinagtatambakan ng mga produktong yari sa imperyalistang bayan, at pinagdadalhan ng sobrang kapital. Mula sa pamumuhunan, kalakalan at pagpapautang sa mga atrasadong bayan, nagkakamal sila ng supertubo.

Kung wala ang mga kolonya at malakolonya, hindi mapapanatili ng imperyalistang mga bayan ang mabilis na pagpapalawak sa produksyon at kalakalan at ang pagkakamal ng supertubo sa pamumuhunan. Kung hindi mapapanatili ang mga ito, matatalo sila sa pakikipagkumpitensya sa ibang imperyalistang bayan at babagsak ang negosyo nila.

Kaya sa panahon ng imperyalismo, pinaghahati-hatian ng imperyalistang mga bayan ang daigdig. Nakabatay sa lakas ng ekonomya at militar ang lawak ng teritoryong sakop ng bawat imperyalistang kapangyarihan.

Pinakamalawak ang nasasakupan ng imperyalismong US sa buong mundo. Kontrolado nito ang Amerika Latina at maraming bayan sa Aprika at Asya tulad ng Thailand, Indonesia, Timog Korea at Pilipinas. Saklaw ng dominasyon ng imperyalismong US maging ang ilang mas mahihinang imperyalistang bayan. Ang Germany, Japan, Britanya at Pransya naman ay may sariling mga teritoryo sa Aprika at Asya.

Bago ganap na gumuho ang Unyong Sobyet noong 1991, kumilos ito bilang isang imperyalistang kapangyarihan. Nanakop at nagsamantala ito sa Silangang Europa, Afghanistan, Ethiopia at iba pa.

3. Bakit nangangahulugan ng gera ang imperyalismo?

Kakambal ng imperyalismo ang gera at pagpapalakas sa militar. Kakabit ito ng pagtatanggol at pagsusulong ng mga imperyalista sa kanilang mga interes sa ekonomya sa sariling bayan, sa kanilang mga kolonya at mala-kolonya at sa buong daigdig. Dalawang digmaang pandaigdig na ang naganap dahil sa pag-aagawan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa teritoryo.

Nakikipaggera ang isang imperyalistang bayan at laging naghahanda sa pakikipaggera sa ibang imperyalistang bayan. Layunin nitong ipagtanggol ang paghahari nito sa sakop na mga teritoryo at mang-agaw ng bagong mga teritoryo.

Ginagamit ng mga imperyalista ang lakas sa militar para supilin ang mga mamamayan sa kolonya at malakolonya at sugpuin ang rebolusyonaryong mga kilusan at pakikibaka sa mga ito. Para magparami ng kolonya at malakolonya, pangunahing ginagamit ng mga imperyalista ang digmang mapanalakay.

Para ipagtanggol at patatagin ang paghahari sa sariling bayan, sinusupil ng imperyalista ang rebolusyonaryong mga kilusan at pakikibaka ng mamamayan, laluna ng uring manggagawa. .

Isang malaking negosyo para sa mga imperyalista ang manupaktura at pagbebenta ng mga armas at kagamitan sa digma. Halimbawa, noong 1950-1979, kumita ang US ng 22.5 bilyong dolyar sa pagbeibenta ng tangke, missile, kanyon, barko, eroplano, jet, helicopter at iba pa.

4. Kaaway ba ng sambayanang Pilipino ang mamamayan ng mga imperyalistang bayan?

Hindi. Ang mamamayan sa mga imperyalistang bayan ay pinagsasamantalahan at inaapi ng mga monopolyong kapitalista at mga tauhan nila sa gubyerno at militar. Mga manggagawa ang mayorya sa kanila.

Magkatulad sa saligan ang kalagayan nila at ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng paghahari ng imperyalismo. Dahil iisa ang kaaway, dapat silang magkapitbisig para ibagsak ang imperyalismo sa buong daigdig.

5. Paano kinokontrol ng imperyalismong US ang Pilipinas?

Mahigit siyamnapung (90) taon nang nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyalismong US ang Pilipinas. Mula 1900-1946 ang tuwiran o kolonyal na paghahari at 1946 hanggang kasalukuyan ang di-tuwiran o malakolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa bayan. Makikita ito sa:

a. Larangan ng ekonomya

1) Hawak ng monopolyong mga kapitalista ng US ang estratehikong mga  industriya sa Pilipinas tulad ng industriya ng petrolyo, bangko at pananalapi,  komunikasyon, transportasyon at mina. Sa gayon, epektibo nilang nakokontrol  ang takbo ng ekonomya.

Halimbawa ang industriya ng petrolyo. Hawak nila ang malaking bahagi  ng paghakot ng langis mula sa ibang bayan, pagrerepina rito, pagbebenta ng  gasolina at iba pang produktong petrolyo, gayundin ang explorasyon at  pagmimina ng langis sa bayan. Galing sa langis ang mahigit siyamnapung  porsyento (90%) ng pangangailangan sa enerhiya ng Pilipinas. Sa gayon, may  kontrol sila sa pagtakbo ng mga industriya sa Pilipinas. Kaya ang malaking  pagtubo ng mga dayuhang monopolyo sa langis ay mahalagang salik ng mabilis  na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kontrolado ng monopolyong mga kapitalistang US at lokal na sangay ng  mga negosyo nila ang petrolyo, gulong at goma, gamot, abono, pagmimina,  mabigat na makinarya, transportasyon, komunikasyon, sasakyan, bangko at iba  pa. Kontrolado ng mga imperyalistang Amerikano ang mahahalagang  pangangailangan ng Pilipino mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.

2) Patuloy na pagkatali ng ekonomya ng Pilipinas sa eksport at import. Sa matagal na panahon, hinubog ng imperyalismong US ang  ekonomya ng bayan para manatiling nakaasa sa export ng hilaw na materyales at import ng yaring mga produkto. Sa saligan, nagpapatuloy ang  istrukturang ito ng ekonomya.

Ang kalakalang panlabas ng bayan ay nakasentro sa US sa matagal nang panahon. Nitong mga nakaraang taon, naging importanteng  kakalakalan ng bayan ang Japan. Dahil sa ganitong sitwasyon, mapagpasyang  naiimpluwensyahan ng nabanggit na mga bayan ang takbo ng ekonomya ng  Pilipinas. Namamanipula ng mga ito ang presyo’t kantidad ng hilaw na  materyales na binibili nila at ang presyo’t kantidad ng yaring mga produktong  ibinibenta nila sa Pilipinas.

3) Pagkatali ng piso sa dolyar.

Ito’y resulta ng pagsandig ng ekonomya ng bansa sa pakikipagkalakalan  sa US. Kasangkapan ito ng imperyalismong US  para patuloy na makontrol ang  ekonomya ng Pilipinas.

Ang katatagan ng piso ay matagal nang nakaasa sa laki ng dolyar na  naiipon at kinikita ng bansa. Dahil dito, kailangang patuloy na paramihin ang  eksport ng Pilipinas para kumita ng sapat na dolyar. Apektado ng mga  patakaran ng gubyernong US kaugnay ng dolyar ang halaga at katatagan ng  piso .

At sa pagtiyak na nakasentro sa pagpaparami ng kitang dolyar ang mga  pagbabalak ng Pilipinas sa ekonomya, naseseguro ng mga imperyalistang US na  may dolyar na ipambabayad sa mga import ng bayan. Madali ding naipagpapalit  sa dolyar ang supertubo nila sa pagnenegosyo rito. At may pansweldo sa mga  Amerikanong tauhan at upisyal nila sa Pilipinas.

4) Pagkabaon ng Pilipinas sa utang sa mga dayuhan. Dahil laging kapos ang dolyar na kinikita ng Pilipinas sa eksport, kailangang taun-taon  itong mangutang nang malaki sa mga dayuhan.

Kung hindi, walang ipambabayad sa mga import na mahalaga sa pagtakbo ng buong ekonomya, sa pagpapalakas ng reaksyunaryong armadong  pwersa at sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto ng gubyerno. Wala ring  sapat na dolyar na maipambabayad sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ibang  bayan.

Lahat ng utang ng Pilipinas sa mga dayuhan ay may kalakip na  mabibigat na kundisyon. Kaya palalim nang palalim ang pagkabaon ng  ekonomya sa utang.

b. Sa larangan ng pulitika

1) Kontrolado ng imperyalismong US ang papet na gubyerno at ang reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas.

Ang imperyalismong US ang ultimong nagpapasya sa pagpili ng  pangunahing mga humahawak ng kapangyarihan sa reaksyunaryong gubyerno.  Para magawa ito, ginagamit ng imperyalismong US ang: kapangyarihan sa  ekonomya ng bayan, kontrol sa pabatirang madla sa loob at labas ng bayan,  kapangyariha’t kontrol sa reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas.

Umaasa nang malaki ang papet na armadong mga puwersa sa tulong na armas, kagamitang digma at pagsasanay mula sa imperyalismong US. Mayroon ding mga Amerikanong tagapayong militar sa mahahalagang departamento ng reaksyunaryong hukbo. Ang mga tagapayong ito ay direktang  nakikialam sa estratehikong pagpaplano at paniniktik ng reaksyunaryong hukbo.

2) Pagpapatuloy ng pagpupusisyon ng mga tropang Amerikano at mga kagamitang pandigma nito sa Pilipinas sa ilalim ng Kasunduang Access and Cross-Servicing, Tratadong US-RP sa Mutwal na Pagdedepensahan at Kasunduang US-RP sa Tulong Militar.

Dating mayroong mahigit 20 base militar ang imperyalismong US sa Pilipinas. Pinakamalaki ang Clark Air Base sa Angeles, Pampanga, at Subic Naval Base sa Olongapo, Zambales. Ginamit ang mga ito sa pagsalakay sa mga mamamayan ng Asya at sa pagtatanggol sa mga interes ng imperyalismong US sa Pilipinas at sa mga kalapit-bayan.

Sa mga ito, asal-hari at di sakop ng mga batas ng Pilipinas ang mga tropa ng US. Sa kabilang banda, tinratong alipin ang mga Pilipinong nagtatrabaho dito. Ang ibang Pilipino naman ay pinagbawalang lumapit at pumasok sa lupaing sakop ng mga base gayong sila dapat ang nakikinabang dito.

Noong 1991, hindi naaprubahan ang bagong tratadong magpapalawig sa pananatili ng mga base militar. Kaya nalansag ang lahat ng base at instalasyong militar ng US sa Pilipinas.

Gayunman, nananatili ang bisa ng Tratadong US-RP sa Pagdedepensahan at Kasunduang US-RP sa Tulong Militar. Sa ilalim ng una, maaari pang gamitin ng US ang Subic at Cubi sa ngalan ng kooperatibong mga operasyon (cooperative operations). Sa ikalawa, nananatili ang JUSMAG na siyang pangunahing tagasanay militar ng reaksyunaryong armadong pwersa at ang mga kasunduan para sa pagbili o tulong na mga armas at kagamitang pandigma.

Sa ilalim ng Acquisition and Cross Servicing Agreement (ACSA), makapanghihimasok ang mga dayuhang pwersang militar sa Pilipinas sa anumang parte ng Pilipinas. Ipinapatupad ito ng rehimeng US-Ramos sa bisa an ng isang ehekutibong kasunduan upang lusutan ang isang pormal na kasunduang kailangang aprubahan sa senado.

Patuloy ding hinihikayat ng US ang papalaking papel ng imperyalismong Japan sa pag-ayuda sa US sa pagpapanatili ng dominasyon nito sa Pilipinas. Pero patuloy na tumitindi ang kumpetisyon ng US at Japan.

k. Sa larangan ng kultura

Laganap ang imperyalistang kultura sa Pilipinas. Ipinapalaganap sa bayan ang mga ideyang palasamba at palaasa sa imperyalismong US. Binibigyang katwiran ng mga ito ang patuloy na pagkontrol at pagsasamantala ng imperyalista sa sambayanang Pilipino. Itinataguyod ang mga pananalakay at panghihimasok ng imperyalismong US sa ibang bayan. Samantala, pilit na pinapatay ang diwang makabayan at anti-imperyalista ng mga Pilipino.

Para ipalaganap ang imperyalistang kultura, itinataguyod ang paggamit ng Ingles sa mga eskwelahan, negosyo, at sa gubyerno. Lubusang ginagamit ang mga paaralan sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga kurikulum at mga libro. Mahalagang kasangkapan ang mga sine, dyaryo, telebisyon, panitikan at sining.

d. Sa larangan ng ugnayang panlabas

Dinidiktahan ng imperyalismong US ang patakarang panlabas ng papet na gubyerno. Saligang katangian ng patakarang ito ang pagiging sunud-sunuran sa mga patakaran at programa ng imperyalismong US sa ugnayang pandaigdig. Sa mga kapulungang internasyunal, ang mga kinatawan ng papet na gubyerno ay parang mga lorong umuulit at nagtataguyod sa paninindigan at pananaw ng gubyernong US.

1) Mula 1946, sinuportahan ng papet na gubyerno ang mga pakana ng imperyalismong US sa buong mundo. Mga halimbawa ang pagtatayo sa estadong Israel, kampanyang anti-Tsina, mga digmang mapanalakay sa Korea, Indotsina, at Iraq, kampanya para gawing lehitimo ang “Malaysia”, at muling pagbuhay sa militarismong Hapones.

2) Nagpadala ang papet na gubyerno ng mga sundalong Pilipino sa Korea noong dekada ’50, sa Byetnam noong dekada ’60 at ’70 at sa Gitnang Silangan at Kampuchea nitong dekada ’90. Nais panatilihing ligtas ang mundo para sa malalaking negosyo ng imperyalismong US.

3) Bumubuntot ang papet na gubyerno sa posisyon ng imperyalismong US sa kampanya sa ratipikasyon ng GATT/WTO, pagbubuo ng APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) at iba pang usaping pandaigdig.

6. Paano pinagsasamantalahan ng imperyalismong US ang sambayanang Pilipino?

Walang-habas na pinagsasamantalahan ng imperyalismong US ang sambayanang Pilipino. Nanghuhuthot ito ng limpak-limpak na tubo mula sa pawis at dugo ng mamamayan.

Tatlong pangunahing paraan ang ginagamit ng imperyalismong US sa pagpiga at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino: kolonyal na kalakalan, tuwirang pamumuhunan, at pagpapautang.


a. Kolonyal na kalakalan

Binibili ng imperyalismong US ang mga eksport ng Pilipinas sa napakamurang halaga at nagbebenta naman dito ng mga produkto sa napakataas na presyo. Sa kalakalang ito, laging lugi ang Pilipinas habang limpak-limpak namang tubo ang napupunta sa mga imperyalista. Nagagamit din ito ng mga imperyalista para sikretong makapaglabas ng dagdag pang tubo.

Dahil sa kontrol nila sa mga produkto at pamilihan, naididikta ng mga monopolyong kapitalista ang presyo ng mga kalakal. Itinataas o ibinababa nila ito para makuha ang pinakamalaking pakinabang. Ito ang dahilan, halimbawa, ng pabigla-biglang pagtaas at pagbulusok ng presyo ng mga produktong niyog na isa sa pangunahing pinagmumulan ng kitang dolyar ng Pilipinas.

Isang mekanismo ng mga imperyalista ang transfer pricing para magkamal ng dagdag na supertubo. Itinataas ang inililistang halaga ng mga makinarya, hilaw na materyales, transportasyon at mga kasangkapan na isinusuplay sa mga lokal na subsidyaryo ng mga imperyalistang kumpanya kaysa sa tunay nitong halaga. Halimbawa, itinataas ng Caltex Philippines ang inililistang halaga ng krudo, transportasyon at distribusyon, hilaw na materyales (kemikal, atbp), at pagmamantini sa mga makinarya na isinusuplay ng sentrong kumpanya mula sa US.

Dahil laging lugi sa pakikipagkalakalan sa mga dayuhan, paulit-ulit ang depisit sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Palaging mas malaki ang gastos sa import kaysa kinikita sa eksport. Ang taunang depisit sa kalakalang panlabas ng Pilipinas ay tumataas mula 147.1 milyong dolyar noong 1955, umabot sa 301.9 milyong dolyar noong 1968, 1.45 bilyong dolyar noong 1979, 6.1 bilyong dolyar noong 1993 at 7.0 bilyong dolyar nitong 1994. Para mapunuan ito, nangungutang ang Pilipinas sa mga dayuhan at  pribadong sektor sa loob ng bansa.

Patuloy at mabilis na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa bayan dahil sa pagmahal ng mga import at pagpaparami sa eksport. Resulta ng huli ang kulang na suplay para sa lokal na pangangailangan.

b. Tuwirang pamumuhunan

Ang monopolyong mga kapitalistang US ay nagtatayo sa Pilipinas ng mga sangay ng kanilang mga korporasyon o kaya’y nakikisosyo sila sa malaking burgesyang kumprador.

Sa ganitong paraan, napapaliit nila ang kanilang gastos sa produksyon, napapalaki ang kanilang tubo, at lalo pang napapahigpit ang kontrol sa ekonomya. Sinasamantala nila ang murang lakas-paggawa sa bayan. May iba’t ibang kaluwagan pa sila sa buwis at pagnenegosyo na ibinibigay ng papet ng gubyerno. Nakakatipid sila sa gastos sa paghakot ng mga produktong ibinebenta nila sa Pilipinas at kalapit na mga bayan.

Sa industriya ng bakal, halimbawa, ang karaniwang sahod ng isang manggagawang Amerikano ay mahigit na 35 ulit na mas malaki sa sahod ng isang manggagawang Pilipino.

Taun-taon, dambuhalang tubo ang iniuuwi ng mga kumpanyang US. Sinabi mismo ng embahada ng US sa Pilipinas na sa bawat dolyar na ipinapasok ng mga negosyanteng Amerikano, apat na dolyar ang inilalabas nila. Tiyak na mas malaki pa ang totoo.

Dagdag pa, ginagamit nang husto ng mga monopolyong kapitalista ng US ang pangungutang sa mga bangko rito para mabilis na makapagpalawak ng negosyo. Sa bawat dolyar na ipinapasok sa Pilipinas ng mga negosyanteng Amerikano, umuutang sila ng $8.33 dolyar sa lokal na mga bangko at institusyong pinansyal.

Ayon sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, 2.56 bilyong dolyar ang dayuhang puhunang pumasok sa bayan mula 1970-87. Ang lumabas na kapital naman sa panahon ding iyon ay 3.75 bilyong dolyar. Kaya may netong lumabas na kapital na mga 1.19 bilyong dolyar.

k. Pagpapautang

Sadyang ibinabaon ng imperyalismong US ang Pilipinas sa utang. Mula sa pagpapautang nito sa Pilipinas, tumutubo ito ng malaking interes at nakakapagdikta ng mga kundisyong nagpapaluwag pa sa pandarambong at lalong nagpapahigpit ng kontrol nito sa bayan. Kabilang dito ang mga pautang para sa mga proyektong tuwirang pakikinabangan ng mga empresang imperyalista.

Sa katapusan ng 1995, mahigit $40 bilyon na ang utang ng Pilipinas sa mga dayuhan. Ibig sabihin, bawat Pilipino ay may utang sa mga dayuhan na aabot sa mahigit P25,000.00. Patuloy at mabilis pa itong lumalaki. Noong 1972 ang dayuhang utang ng Pilipinas ay $2 bilyon lamang.

Bawat malaking pangungutang ng Pilipinas sa mga dayuhan ay may kakabit na mabibigat at makaisang-panig na kundisyon. Mga halimbawa ng mga kundisyong ito ang: pagpapababa sa halaga ng piso, liberalisasyon ng import, pagbibigay ng iba’t ibang kaluwagan sa dayuhang mga namumuhunan, mabilis na pagpapataas ng mga buwis, presyo ng kuryente at tubig, at pagpapanatiling mababa ang sahod.

Nitong huli, idinagdag na kundisyon ang deregulasyon ng ekonomya. Pag-aalis ito ng pakikialam at pamumuhunan ng gubyerno sa ekonomya. Kabilang dito ang pag-aalis ng subsidyo o suporta sa agrikultura at pagsasapribado ng mga korporasyon ng gubyerno. Bukod pa, ginagawang pleksible ang patakaran sa paggawa. Ipinagbabawal ang mga unyon, pinalalaki ang bilang ng mga manggagawang kontrakwal at pinapawalambisa ang minimum na sahod.

Ang buong bigat ng pagsasamantala ng imperyalismong US at iba pang mga dayuhang monopolyong kapitalista ay binabalikat ng mamamayang Pilipino. Sila ang pinahihirapan ng napakababang sahod, mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mabigat na pasaning buwis, at pagkaatrasado ng buong ekonomya.


B. Ang pyudalismo bilang ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino

1. Ano ang pyudalismo?

Pyudalismo ang sistema ng produksyon na ang pangunahing pwersa sa produksyon ay mga magsasaka at ang lupang binubungkal nila. Saligang katangian ng relasyon sa produksyon ang matinding pang-aapi at pagsasamantala ng uring panginoong maylupa sa masang magsasaka. Sa sistemang pyudal, ipinabubungkal sa masang magsasaka ang malalawak na lupaing pag-aari ng mga panginoong maylupa. Pinagbabayad ang una ng napakataas na upa sa lupa.

2. Ano ang mga palatandaan ng pag-iral ng pyudalismo sa Pilipinas?

Mahigit apat na daang taon nang umiiral sa Pilipinas ang pyudalismo. Mga palatandaan ng patuloy pang pag-iral nito ang sumusunod:

a. Pag-aari at kontrol o monopolyo ng iilang panginoong maylupa sa malalawak na lupain at kakulangan o kawalan ng lupa ng masang magsasaka

Noong 1968, may nakalistang kulang-kulang sampung libo’t walong daang (10,800) malalaking panginoong maylupa. Nagmamay-ari sila ng mula limampu (50) hanggang mahigit isang libong (1000) ektarya. Kontrolado nila ang mga tatlong milyong (3,000,000) ektaryang lupain. Mababa ito nang kaunti lamang sa kalahati (50%) ng kabuuang sukat noon ng lupang sakahan ng Pilipinas.

Ganito ang pagkakahanay batay sa lawak ng pag-aaring lupa:

LAWAK NG LUPAIN (ektarya) BILANG NG PANGINOONG MAYLUPA

50 – 199

8,914

200 – 499

1,228

500 – 1,000

417

Mahigit 1,000 

204

Bukod dito, mas marami pang mga panginoong maylupa ang nag-aari ng 49 ektarya pababa. Sa mga lupaing tinatamnan ng palay at mais, halimbawa, halos lahat ng mga panginoong maylupa ay nag-aari ng mas mababa sa 50 ektarya ng lupain. Samantalang mahigit isang milyon at limandaang libong ektarya ang mga taniman ng palay at mais na pag-aari ng mga panginoong maylupa.

Sa huwad na reporma sa lupa ng rehimeng Aquino at Ramos, idineklara ang 10.3 milyong ektaryang lupaing agrikultural mula sa kabuuang 13.3 milyong ektaryang lupaing agrikultural na saklaw ng reporma sa lupa.Mula dito ay makikita ang nagpapatuloy na malubhang problema sa kontrol sa lupaing agrikultural ng mga panginoong maylupa.

Bunga ng ganitong balangkas ng pagmamay-ari sa lupang agrikultural, laganap ang kawalan ng lupang pag-aari o kakulangan sa lupang sinasaka ng mga magsasaka.

Noong 1985, apatnapung porsyento (40%) ng kabuuang bilang ng magsasaka ang mga kasama. Bukod dito, tatlumpung porsyento (30%) ang nagsasaka ng mga lupang publikong walang titulo. At may natitirang tatlumpung porsyento (30%) na nagbubungkal ng sariling maliliit na parsela ng lupa. Ibig sabihin, sa bawat sampung magsasaka, apat ay mga kasama. At sa bawat sampung magsasaka, pito ang walang sariling lupa.

Sa mga lupang natatamnan ng palay at mais mas marami ang bilang ng mga panginoong maylupang nag-aari ng mababa sa 50 ektarya bawat isa. Pero malawak-lawak ang kabuuang eryang saklaw ng mga ito. Karaniwan, hinahati-hati ang mga lupa nila sa maliliit na parsela at ipinapaupa sa mga magsasaka. Dito, umaabot ng mula animnapu hanggang pitumpu’t limang porsyento (60-75%) ng mga magsasaka ang nakikisama.

Kung ibibilang pa ang mga manggagawang bukid na nagnanais magbungkal ng lupa, aabot sa walumpung porsyento (85%) ng kabuang pwersang paggawa sa agrikultura ang walang sariling lupa. Ayon mismo sa reaskyunaryong gubyerno, walumpung porsyento (80%) ng lupang agrikultural ang pag-aari ng dalawampung porsyento (20%) lamang ng populasyon. Noong Agosto 1992, inamin mismo ni Presidente Ramos na “lima’t kalahating porsyento (5.5%) ng mga panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng apatnapu’t apat (44%) ng lahat ng lupang sakahan.”

Matingkad na nailalarawan ng mga ito kung gaano kalubha ang problema sa lupa ng masang anakpawis sa agrikultura.

b. Laganap na pagsasamantalang pyudal

Nananatiling laganap ang pyudal na mga relasyon sa produksyon tulad ng napakataas na upa sa lupa, usura, at pang-aalila sa masang magsasaka.

Kinikikilan ang masang magsasaka ng upa sa lupa sa anyo ng hatian sa ani o buwisan. Mula limampu hanggang walumpung porsyento (50-80%) ng ani ang napupunta sa mga panginoong maylupa. Katiting na bahagi lamang ng ani ang natitira sa mga magsasaka.

Dahil hindi nakakasapat ang parteng nakukuha nila sa ani, ang mga magsasaka ay napipilitang mangutang sa mga usurero na karaniwang mga panginoong maylupa rin. Sandaang porsyento (100%) o higit pa bawat anihan ang kalimitang interes sa pautang. Sa isang taon, aabot ito ng hanggang tatlong daang porsyento (300%).

Sapilitang inaalila ng mga panginoong maylupa ang mga magsasaka, o pinagtatrabaho sila nang walang bayad, at pinagbibigay pa ng tributo. Ipinapatawag anumang oras ang mga kasama at pamilya nila para gawin ang anumang iutos ng mga panginoong maylupa.

Sa mga lugar na salat sa lupa, mas maraming magsasaka ang nagkukumpitensya sa pakikisama at pagtatrabaho sa lupa. Kaya, kahit mas maliit kaysa karaniwan ang lupa ng panginoong maylupa, kadalasan namang mas matindi ang pagsasamantalang pyudal.

k. Atrasado at maliitang pagsasaka sa malaking bahagi ng kanayunan

Sa malaking bahagi ng kanayunan, laganap ang atrasado at maliitang pagsasaka. Sa maraming lugar, walang mga patubig at nakaasa lamang sa ulan ang pagsasaka. Karaniwa’y araro at kalabaw ang gamit sa pagbubungkal ng lupa at may ilang lugar pang hindi gumagamit ng araro. Hindi laganap ang paggamit ng pataba at pestisidyo. Maliit ang taunang ani.

Maliliit ang karamihang mga sakahan sa Pilipinas. Noong 1980, 2.8 ektarya ang karaniwang laki ng lahat ng klase ng mga sakahan. Lumiit na ito mula 3.6 ektarya noong 1970. Patuloy pa itong lumiliit. Mas maliit sa 2 ektarya ang mahigit 70 porsyento (70%) ng mga palayan.

Hindi interesado ang mga panginoong maylupa na paunlarin ang paraan ng pagsasaka. Nakukuha nila ang kanilang malaking parte sa ani kahit hindi nila paunlarin ang produksyon. Sa lawak ng kanilang lupain at laki ng upa sa lupa o parte sa ani, sobra-sobra ang pakinabang nila para suportahan ang kanilang maluhong pamumuhay.

3. Paano naghihirap ang magsasaka sa ilalim ng pananatili ng pyudalismo sa malawak na kanayunan?

Sa pananatili ng pyudalismo, matinding pinagsasamantalahan ang masang magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Kabilang dito ang:

a.  Pangingikil ng mataas na upa sa lupa

Sa mas maraming lugar, ipinangangalandakan ng mga panginoong maylupa na 50-50 ang hatian nila ng mga kasama sa ani. Sa hatiang ito, ipinapasa ng mga panginoong maylupa sa magsasaka ang pagpasan sa mga gastos sa pagsasaka. Kayat ang tunay na lilitaw na hatian ay 60-40 hanggang 80-20 pabor sa panginoong maylupa.

Sakali mang sinasagot ng mga panginoong maylupa ang mga gastos sa pagsasaka, tinataasan naman ang halaga ng mga ito para mapalaki ang parte nila sa ani.

Samantala, sa sistemang buwisan ang takdang tantos ng upa sa lupa ay 25% ng karaniwang taunang ani. Obligadong bayaran ito ng kasama anuman ang laki ng ani niya, bagyuhin man o pestehin ang pananim. At dinadaya pa ng panginoong maylupa ang kwenta ng karaniwang taunang ani.

b.  Usura o pagpapautang sa napakataas na interes

Ginagamit ito ng mga panginoong maylupa para lalong palakihin ang parte nila sa ani at maremata ang lupa ng mga magsasakang maylupa. Mula sandaan hanggang sandaa’t limampung porsyento (100-150%) bawat anihan ang karaniwang interes na ipinapatong nila sa mga inuutang na pera o butil ng mga magsasaka.

Ang usura ay kakambal ng pyudalismo. Dahil sa matinding pagsasamantala sa masang magsasaka at paghihikahos nila, palagi silang gipit. Para matugunan ang kakulangan sa pagkain o malalaking pangangailangan sa panahon ng kagipitan, napipilitang mangutang sa mga usurero ang mga magsasaka kahit sa napakataas na interes. Madalas na wala silang maipambayad kundi ang parte sa ani o maliit na parsela ng lupang pag-aari nila.

k. Napakababang pasahod

Karamihan sa mga magsasaka ay nagtatrabaho sa iba para madagdagan ang maliliit na parte nila sa ani. Bukod sa pagsasaka sa inuokupang parsela ng lupa, sila’y nakikitanim, nakikiani, sumasama sa mga bangkang pangisda, at pumapasok sa sarisaring trabaho. Bilang sahod, tumatanggap sila ng maliit na halaga o maliit na bahagi ng ani kapalit ng isang araw na pagbabanat ng buto. Karaniwa’y mga panginoong maylupa at mayamang magsasaka ang umaarkila sa serbisyo nila.

Marami sa mga pana-panahong manggagawang bukid sa mga asyenda ng tubo at mga plantasyon ng mga dayuhang korporasyong agrikultural tulad ng sa pinya ay mga magsasaka rin. Dumadanas sila ng napakababang pasahod at biktima ng sistemang kabo at usura.

d.  Pang-aalila at tributo

Anumang oras, ipinapatawag ng panginoong maylupa ang kanyang kasama o ang asawa o anak nito, para utusan sa iba’t ibang gawain. Karaniwan ang pagpapalinis ng bahay at bakuran at pagpatrabaho sa kusina laluna kapag may handaan. Bukod pa, madalas ding manghingi ang mga panginoong maylupa ng manok, prutas at iba pang “handog” mula sa masang magsasaka. Obligadong sumunod ang mga magsasaka. Kung hindi, manganganib silang mapatalsik sa sinasakang lupa.

e.  Pang-aagaw ng mga panginoong maylupa sa lupa ng mga magsasaka

Nangingibabaw ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. Kontrolado nila ang reaksyunaryong gubyerno sa mga probinsya at bayan. May sarili silang kinatawan at kuneksyon sa mga nasa poder sa pambansang gubyerno.

Ginagamit nila ang kapangyarihang ito at ang kanilang kayamanan para gipitin ang mga magsasakang nag-aari ng maliliit na parsela ng lupa at makapang-agaw ng lupa. Kunwa’y bibilhin nila ang lupa ng mga magsasaka pero ito naman ay sa napakamurang halaga o kaya’y idinadaan sa pekeng mga papeles at kaakibat na utos ng hukuman ang pang-aagaw. At mas madalas, tahasang ginagamitan ng dahas at pananakop ang pang-aagaw nila sa lupa ng mga magsasaka.

4. Paano pinahihirapan ng pyudalismo ang buong sambayanang Pilipino?

Ang pyudalismo ay isa sa pangunahing mga ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino. Ito ang pinakamalaking dahilan ng pagkaatrasado ng ekonomya ng bayan. Dahil tumatanggap ng upa sa lupa na sobra-sobra sa mga pangangailangan at luho nila, walang interes ang mga panginoong maylupa sa pagpapaunlad ng pamamaraan ng pagsasaka. Kaya ang agrikultura, na esensyal na basehan ng industriyalisasyon, ay nananatiling atrasado.

Dahil sa monopolyo sa lupa at atrasadong pagsasaka, maraming taganayon ang pwersadong pumunta sa kalunsuran para maghanapbuhay. Sa kalagayang sobra-sobra ang nagkukumpitensya sa limitadong oportunidad sa trabaho, lalong nakakapagdikta ang mga dayuhan at lokal na kapitalista ng mababang sahod at di-makataong mga kundisyon sa paggawa.

At dahil pinaghihikahos ng pyudalismo ang pinakamalaking bilang ng mamamayan – ang mga magsasaka – limitado ang pamilihan ng mga produkto ng industriya sa loob ng bansa. Kaya malaking hadlang ang pyudalismo sa industriyalisasyon. Tumutulong ito para lalong makontrol ng dayuhang monopolyong mga kapitalista ang ekonomya ng bansa.

5. Bakit pyudalismo ang baseng sosyal ng imperyalismo?

Sa agrikultura ng Pilipinas, umiiral ang lumang pyudal na paraan ng produksyon kaagapay ng kapitalistang pagsasaka. Pangunahing nakatuon ang huli sa produksyon ng eksport na mga pananim na kailangan ng US at ibang bayang kapitalista. Gayunman, mas malawak pa rin ang mga sakahang ginagamitan ng lumang pyudal na paraan ng produksyon kaysa mga sakahang kapitalista.

Ang pyudalismo ay pinananatili ng imperyalismong US para pamalagiing naghihirap ang malawak na sambayanan, supilin ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka, at manipulahin ang atrasadong kalagayan ng bayan. Sa gayon, napapakinabangan nito ang murang paggawa at murang hilaw na materyales. Nasa proteksyon naman ng imperyalismong US ang pananatili sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Kaya sinasabi na baseng sosyal ng imperyalismong US ang katutubong pyudalismo.

K. Ang burukratang kapitalismo bilang ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino

1. Ano ang burukratang kapitalismo?

Ang burukrata kapitalismo ay ang pagpapatakbo sa gubyerno nang parang negosyo at para sa pagpapayaman ng mga nakaupo sa kapangyarihan.

Ang malalaking burukrata o upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ay pawang mga kinatawan at bahagi ng uring malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Ginagamit nila ang kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa mga dayuhang imperyalista, malaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa. Kasabay nito, kinakasangkapan nila ang kanilang pusisyon para mangurakot at magpalawak ng pag-aaring lupa at negosyo.

Lahat ng papet na presidente, mula kay Quezon hanggang kay Ramos, ay mga burukratang kapitalista. Gayundin ang karamihan sa mga nangungunang burukrata sa pamahalaang pambansa, probinsyal at munisipal.

2. Paano pinahihirapan ng burukratang kapitalismo ang sambayanang Pilipino?

Bilang isang salot na kakawing ng imperyalismo at pyudalismo, ang burukrata kapitalismo ay malaking pasanin ng mamamayan. Pinahihirapan ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan sa pamamagitan ng:

a. Pasismo at pagsupil sa mamamayan

Para mapasunod ang mamamayan sa gusto ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri, sistematikong sinusupil at kinokontrol sila ng reaksyunaryong estado. Ang estado ay binubuo ng mga instrumento sa pamumwersa (hukbo, pulisya, bilangguan, hukuman) at ng gubyernong gumagawa at nagpapatupad ng mga batas. Nilikha ng mga naghaharing uri ang makinarya ng reaksyunaryong estado sa Pilipinas para ipagtanggol ang kanilang paghahari.

Espesyal na tungkulin ng mga burukratang kapitalista ang direktang pagpapatakbo ng reaksyunaryong estado. Para sugpuin ang mga kilusan at pakikibaka na naglalayong palayain ang lipunang Pilipino sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, itinataguyod ng mga burukratang kapitalista ang pasismo. Ito ang marahas na pananalakay at panunupil ng reaksyunaryong estado sa mamamayan.


b. Pagpasok sa mga di-pantay na kasunduan at pagpapatupad ng mga batas at programa na nagtataguyod ng pagsasamantala ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri

Ang mga burukratang kapitalista ang pumapasok at nag-aapruba ng mga kasunduan na nagbibigay sa imperyalismong US ng karapatan para patuloy na kontrolin at pagsamantalahan ang sambayanang Pilipino.

Ang mga burukratang kapitalista ang gumagawa at nagpapatupad ng mga batas na pabor sa naghaharing mga uri at kontra sa mamamayan.

Mga halimbawa ang sumusunod na mga batas: pagbibigay ng sarisaring kaluwagan sa mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, pagliligalisa sa monopolyo sa lupa at pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa, pagpapanatiling mababa ang sahod at pagbabawal sa paggigiit ng mga manggagawa sa kanilang mga karapatang mag-unyon at magwelga, at pagliligalisa sa mga pasistang pananalakay sa mamamayan.

Ang mga burukratang kapitalista ay nagpapatupad ng iba’t ibang programang tumutulong sa naghaharing mga uri para lalong makapagsamantala sa mamamayan at makapagpayaman.

Halimbawa nito ang magagastos na programa sa pagpapalakas sa reaksyunaryong hukbo at sa paggawa ng mga kalsada, daungan, paliparan, dam at tulay. Ang mga naghaharing uri ang nakikinabang sa mga programang ito na tinutustusan ng malalaking buwis ng mga mamamayan.

k. Kabulukan sa gubyerno

Laganap ang korupsyon at katiwalian sa buong gubyerno. Sa pagpapatibay ng mga batas, utos at desisyon, tumatanggap ng malalaking suhol ang mga burukratang kapitalista. Dahil dito, lubos na nasusunod ang bawat naisin ng mga naghaharing uri na may kontrol sa yaman ng bayan.

Sa bawat kontrata, konsesyon, at lisensya, may ibinubulsang pera ang mga burukratang kapitalista. Kinukurakot nila ang malaking bahagi ng pondo ng reaksyunaryong gubyerno. Ang mamamayan ang ultimong naghihirap bunga ng ganitong katiwalian.

Minamanipula ng mga burukratang kapitalista ang pagbili sa mga ginagamit sa obras publikas, ninanakaw ang mga kagamitan dito, dinadaya ang listahan sa sweldo, at ginagawa ang kung anu-ano pang katiwalian para makapangurakot.

Nangangamkam ng lupa ang mga burukratang kapitalista. Kinukuha nila ang mga konsesyon sa malalawak na lupaing publiko para gawing pastulan, trosohan, minahan o sabdibisyon.

Inaagaw nila ang lupa ng mga setler at pambansang minorya sa pamamagitan ng pagmaniobra sa rehistro at titulo ng lupa.

d. Panlilinlang sa mamamayan

Nililinlang ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan para maging maamo at masunurin sa mga naghaharing uri. Inaakit nila ang mamamayan para umasa sa gubyerno sa paglutas ng mga problema.

Nagdaraos sila ng mga eleksyon para palabasing kagustuhan ng mamamayan ang pag-upo nila sa poder. Ginagamit ito bilang paraan ng pagpili kung aling pangkat ng naghaharing uri ang hahawak sa kapangyarihan ng estado.

Kontrolado ng mga burukratang kapitalista ang buong sistema ng edukasyon at masmidya. Ginagamit nila ang mga ito para ipalaganap ang mga ideyang sumasamba sa mga imperyalista, malalaking burges na kumprador at mga panginoong maylupa. Sa kabilang banda, sinisiraan nila ang rebolusyonaryong kilusan at inilalayo ang mamamayan sa landas ng rebolusyon.

D. Ang pagsasabwatan ng tatlong salot sa pagpapanatili ng lipunang malakolonyal at malapyudal

1. Paano nagsasabwatan ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa pagpapahirap sa sambayanang Pilipino?

Ang imperyalismong US ang pangunahing nakikinabang at pinakamapagpasyang pwersang nagtataguyod sa kasalukuyang naghaharing sistema sa Pilipinas. Ito ang nangingibabaw sa ekonomya ng bayan at kumokontrol sa reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito. Kung wala ang suporta ng imperyalismong US, hindi tatagal ang naghaharing sistema.

Ang malaking burgesyang kumprador ay bumubuntot at nakikinabang sa kapangyarihan ng dayuhang monopolyong mga kapitalista. Nabubuhay ang malaking burgesyang kumprador sa kolonyal na kalakalan, pakikipagsosyo sa dayuhang mga kapitalista, at pakikibahagi sa pakinabang mula sa dayuhang pangungutang. Pangunahing kasangkapan naman ito ng imperyalismong US sa pagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Itinataguyod ng imperyalismong US ang pangingibabaw ng kapangyarihan ng malaking burgesyang kumprador sa ekonomya at pulitika ng Pilipinas.

Pinapangalagaan din ng imperyalismong US ang kapangyarihan ng uring panginoong maylupa para itaguyod ang paghahari nito sa Pilipinas. Pinapanatili ang pyudalismo para pamalagiing atrasado at nakasandig sa US ang bayan. Sa gayon nakakapagkamal ng supertubo ang imperyalismong US.

Ang burukrata kapitalismo ay bahagi ng estadong likha ng imperyalismong US at pyudalismo. Pinag-uugnay nito at pinapangalagaan ang interes ng imperyalismo at pyudalismo laban sa pagtutol at pakikibaka ng mamamayan.

Sa halip na ipaglaban ang pambansa at demokratikong mga interes ng sambayanang Pilipino, naglilingkod ang mga burukratang kapitalista sa mga amo nilang dayuhan at pyudal habang nangungurakot sa pwesto sa gubyerno.

Bunga ng pagsasabwatan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, umiiral sa Pilipinas ang lipunang malakolonyal at malapyudal .

2. Paano naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino bunga ng pagsasabwatan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo?

Malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino ngayon. Ang katayuang ito ay itinatakda ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo na ngayo’y walang awang nagsasamantala sa malawak na masa ng mamamayang Pilipino. Ang tatlong kasamaang ito na bunga ng kasaysayan ang mga pundamental na suliraning nagpapahirap sa lipunang Pilipino.

Ang malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong US. Kahit sinasabi ng mga reaksyunaryo na malaya na ang Pilipinas, hindi ito ganap dahil sila na rin ang kumokontra sa sarili sa pagsasabing “ibinigay” o “ibinalik” lamang ng imperyalismong US ang kalayaan ng Pilipinas.

Ang totoo ay patuloy na nilalabag ng imperyalismong US ang pambansang soberanya sa pangalan at pagkaraang ibigay ito, sinigurado ng imperyalismong US na patuloy nitong makokontrol ang ekonomya, pulitika, kultura, militar at ugnayang panlabas ng Pilipinas. Nakapangikil ang imperyalismong US ng di pantay na mga tratado at makaisang-panig na mga pribilehiyong lumalabag sa pambansang soberanya, integridad ng teritoryo at pambansang mana ng sambayanang Pilipino.

Patuloy na inaangkin ng imperyalismong US ang pribilehiyong bigyan ng armadong proteksyon ang mga lokal na mapagsamantalang uri. Kahit may ilusyon ngayon na nagpapasya sa sarili ang kasalukuyang gubyerno, ang mga saligang patakaran nito at ang eleksyon at pagnonombra ng pinakamatataas na upisyal ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong US.

Ang mga engklabe sa ekonomya na pinaghaharian ng mga empresa ng US , ang kontrol sa reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas ng US, at ang libreng paglalabas-masok ng mga tropa at kagamitang pandigmang US alinsunod sa mga tratadong militar sa kabila ng pormal na pagtatapos ng kasunduan sa pananatili ng malalaking base militar ng US ang pinakamalinaw na ebidensya na kolonya pa rin ng United States ang Pilipinas. Maaalis lamang ang mga kolonyal na engklabeng ito sa pamamagitan ng armadong pambansang rebolusyon na maggigiit sa kalayaan ng Pilipinas.

Ang malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng pagkakapasok ng monopolyong kapitalismo ng US sa lumang pyudal na paraan ng produksyon, at ng pagkakapailalim ng sistemang ito sa monopolyong kapitalismo ng US. Ang kongkretong resulta ng pagkakasanib ng dayuhang monopolyong kapitalismo at katutubong pyudalismo ay ang pagkaagnas at pagkalusaw ng natural na ekonomyang nakakasapat sa sarili, na naging ekonomyang pangkalakal.

Dahil dinidiktahan ng dayuhang monopolyong kapitalismo ang ekonomyang pangkalakal, ginagamit ito para pigilan ang pag-unlad ng pambansang kapitalismo at pwersahing mabangkrap ang mga may-aring nagbubungkal at tagayari ng handikrap.  Ginagamit ang ekonomyang pangkalakal para panatilihin sa pyudal na pagkaalipin ang malawak na masa ng mamamayan, at kasabay nito’y likhain ang relatibong surplus na populasyon, ang malaking reserbang hukbo ng paggawa, at sa gayo’y mapanatiling mababa ang presyo ng paggawa.

Sa agrikultura ng Pilipinas, patuloy na umiiral ang lumang pyudal na paraan ng produksyon kaagapay ng kapitalistang pagsasaka, na pangunahing isinasagawa para sa produksyon ng ilang pananim na pang-eksport na kailangan ng United States at iba pang bayang kapitalista. Sa katunayan, mas malawak pa rin ang mga sakahang ginagamitan ng lumang pyudal na paraan ng produksyon kaysa mga sakahang kapitalista.

Ang pyudalismo ay pinasisigla at pinananatili ng imperyalismong US para mapamalaging naghihirap ang malawak na masa ng mamamayan, supilin ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka, at manipulahin ang atrasadong kalagayan ng bayan nang sa gayo’y makakuha rito ng murang paggawa at murang hilaw na materyales. Sa ganitong pakahulugan sinasabi na batayang panlipunan ng imperyalismong US ang pananatili ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa. Kailangan ang rebolusyong agraryo para mawasak ang ugnayan ng imperyalismong US at pyudalismo at alisan ng batayang panlipunan ang imperyalismong US.

Naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino dahil naiimpluwensyahan at umaasa sa isa’t isa ang imperyalismong US at pyudalismo. Hindi talaga interesado ang imperyalismong US na paunlarin ang ekonomyang kolonyal at agraryo para maging tunay itong malaya at umaasa-sa-sarili. Natural sa modernong imperyalismo na ang gawing posible lamang ay ang tagibang at pasumpong-sumpong na pag-unlad. Ang mga monopolyong kapitalista ng US ay interesado lamang na makakuha ng sobra-sobrang ganansya mula sa kolonyal na palitan ng hilaw na materyales na galing sa Pilipinas at yaring kalakal na galing sa United States, mula sa direktang pamumuhunan sa mga kolonya at malakolonya na nagsasampa ng mas mataas na ganansya, at mula sa internasyunal na pang-uusura.

Ang mga pundamental na problema ng sambayanang Pilipino ay hindi maaasahang lutasin ng kasalukuyang reaksyunaryong estado dahil, unang-una, likha at papet na instrumento ito ng imperyalismong US at pyudalismo. Sa bawat antas ng kasalukuyang reaksyunaryong estado, mula sa pambansang antas hanggang sa antas ng munisipalidad, nariyan ang mga burukratang kapitalista na tuta ng imperyalismong US at pyudalismo.

Ang burukratang kapitalismo mismo ay bukod pang kasamaang nagpapahirap sa buong bansa. Ginagampanan nito ang espesyal na papel na pag-ugnayin ang mga interes ng mga dayuhan at katutubong mapagsamantala at supilin ang determinadong paglaban ng rebolusyonaryong masa. Itinayo ang mga ito para maging mga papet na administrador ng imperyalismong US ayon sa patakarang “sanayin na mamahala sa sarili”.

Mas gusto pa ng mga burukarata kapitalista na ibulsa ang nananakaw nila sa gubyerno at manghingi ng konsesyon sa kanilang mga among dayuhan at pyudal kaysa ipaglaban ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Walang saysay at mali na asahang babaguhin nila ang malakolonyal at malapyudal na mga saligang patakaran ng reaksyunaryong papet na gubyerno.

Ang karaniwang ginagawa ng mga bulok na upisyal na ito ng gubyerno ay gumamit ng kontrarebolusyonaryong dalawahang taktika para lokohin ang mamamayan at mas mahusay na pagsilbihan ang mga naghaharing uri. Ipinoproklama nila ang sarili na mga “populista”, “makabayan”, “demokrata” o “sosyalista” pa nga, at kaya rin nilang magnakaw ng mga kataga sa rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukratang kapitalismo ang mga dahilan ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Hanggat hindi naibabagsak ang mga ito, hindi makakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan at demokrasya.

About these ads

2 responses to this post.

  1. ang ganda naman marami aakong natutunan!!!!!!!!!!!!!

    Reply

  2. ANG PROBLEMA SA BAYAN AY HINDI KUNG ANONG KLASE MAN YANG SISTEMA NA PAPATAKBO NG PAMAMAHALA KUNDI ANG MGA POLITIKO NATIN KASI SILA AY POLITICAL IMMATURE? YUN LANG.

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: