DEMOKRATIKONG REBOLUSYON

Demokratikong rebolusyong bayan ang tanging solusyon sa mga pundamental na problema ng sambayanang Pilipino.

A. Ang demokratikong rebolusyong bayan

1. Bakit rebolusyon ang tanging solusyon sa pundamental na mga problema ng sambayanang Pilipino?

Malinaw sa pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi kailanman kusang isusuko ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri ang kanilang kapangyarihan. Hindi rin nila kusang isusuko ang kayamanang dinambong nila sa mamamayang Pilipino. Basta’t ang kapangyarihan nila ang nanganganib, gagawin ng mga imperyalistang US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa ang lahat ng maniobra at kahayupan.

Bilang pinakamahalagang kasangkapan sa pagtatanggol at pagtataguyod sa kanilang paghahari at interes, itinayo at patuloy na pinalalakas ng mga naghaharing uri ang reaksyunaryong estado. Kaya, para mapalaya ang sambayanan mula sa salot ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo, pinakamapagpasya ang pagdurog sa reaksyunaryong estado.

Walang maaasahan ang mamamayan sa simpleng pagpapalit ng mga nagpapatakbo sa reaksyunaryong estado sa pamamagitan ng eleksyon man o kudeta. Walang ibinubungang pag-unlad sa kalagayan ng mamamayan ang pagbabagu-bago sa presidente ng papet na gubyerno. Patuloy pang sumasahol ang dinaranas nilang pagsasamantala, pang-aapi at kahirapan.

Magtatagumpay lamang ang kudeta sa Pilipinas kung may basbas ito ng imperyalismong US na mahigpit na kumokontrol sa reaksyunaryong armadong  pwersa.Mas malamang kaysa hindi, na ang iluluklok nito sa kaangyarihan ay kasinsama o mas masahol pa kaysa sa pinalitan.Pwedeng gamitin ng US ang opsyon na ito sa pagpapalit ng papet depende sa tantya niyang bentahe nito sa kanyang paghahari sa bayan.

Wala ring kahihinatnan ang pagsusumamo sa reaksyunaryong estado na ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga dayuhan at lokal na nagsasamantala at nang-aapi. Hindi maaasahan ang mga naghaharing uri na pukpukin ng bato ang sariling mga ulo. Hindi nakapagtatakang ang reaksyunaryong estado at mga ahente ng mga naghaharing uri ang pangunahing nagpapalaganap sa ganitong mga kaisipan. Nais nilang gawing sunud-sunuran sa kanila ang mga mamamayan.

Para mapalaya ang sambayanan sa paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo, kailangang ibagsak ang reaksyunaryong estado. Kailangang palitan ito ng bagong estadong likha ng mamamayan at nagtataguyod sa kanilang mga interes. Kailangan ang rebolusyonaryong dahas para magapi ang naghaharing mga uri at mahawan ang landas sa pagtatatag ng lipunang malaya, makatarungan at maunlad.

Mapapalaya lamang ang sambayanang Pilipino mula sa tatlong salot pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at segundaryo, ng ligal na pakikibaka. Repormismo ang paniniwalang makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng parlamentaryong mga paraan lamang.

2. Bakit pambansa-demokratiko ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino?

Dahil sa malakolonyal at malapyudal na kalikasan ng lipunangPilipino, di maiiwasan na maging pambansa-demokratiko ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino. Isa itong pambansa-demokratikong rebolusyon, isang rebolusyong naghahangad ng paglaya ng sambayanang Pilipino sa pang-aapi’t pagsasamantalang dayuhan at pyudal. Ang prinsipal na dahilan kaya pambansang rebolusyon ito ay hinahangad nitong igiit ang pambansang soberanya laban sa imperyalismong US at mga lokal na tuta nito.  Ang prinsipal na dahilan kaya demokratikong rebolusyon ito ay hinahangad nitong ilunsad ang pakikibakang magsasaka para magkaroon ng lupa, pakikibaka sa katutubong pyudalismo, at isa pa’y hinahangad nitong itaguyod ang mga demokratikong karapatan ng malawak na masa ng mamamayan laban sa pasismo.

Ang mga saligang kontradiksyon sa lipunang Pilipino ay ang kontradiksyon ng bansang Pilipino at ng imperyalismo, at ang kontradiksyon ng malawak na masa ng mamamayan at ng pyudalismo.  Sa saligan, ang pasismong tumitindi ngayon ay ang militar na panunupil ng kasalukuyang kontrarebolusyonaryong estado sa sambayanan sa ngalan ng mga imperyalista at pyudal na amo ng estado.

3. Bakit bagong tipo ang pambansa-demokratikong rebolusyon na inilulunsad sa Pilipinas?

Dahil prinsipal na layunin ng kasalukuyang yugto ng rebolusyongPilipino na palayain ang sambayanang Pilipino sa pang-aapi’t pagsasamantalang dayuhan at pyudal, masasabing karugtong at pagpapatuloy ang rebolusyong ito ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 at ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na parehong nabigo sa pamumuno ng lokal na burgesya, laluna sa pamumuno ng lideratong liberal-burges ng gubyernongAguinaldo.

Gayunman, may saligang pagkakaiba ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon at ang rebolusyong tinalo ng imperyalismong US. Bagong tipo ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon. Bagong tipo ito dahil mula noong Rebolusyong Oktubre at mula nang lumitaw ang unang estadong sosyalista sa guho ng gera ng mga imperyalista (ang Unang Digmaang Pandaigdig), di maiiwasang maging parte ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo ang mga pambansa-demokratikong pakikibaka sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa mga kolonya at malakolonya. Mula noon, nawala na ang obhetibong kundisyon para sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.Ang pandaigdigang rebolusyong burges ay hindi nakakapagbigay ng tamang oryentasyon sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Higit kailanma’y hating-hati ang lumang lideratong ilustrado sa tatlong saray: malaking burgesyang kumprador, pambansang burgesya at petiburgesya na malinaw na may iba’t ibang aktitud sa pulitika. Nasa yugto tayo ngayon ng bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon, ang demokratikong rebolusyong bayan.

Nasa proletaryado na ngayon ang makauring pamumuno sa rebolusyong Pilipino, at wala na sa burgesya o sa alinmang saray nito tulad ng nangyari noon sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Hindi maibabagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo kung ang malawak na masa ng mamamayan ay hindi pamumunuan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ang Partido Komunista ngPilipinas, sa kataas-taasang patnubay ng Marxismo-Leninismo-KaisipangMao Zedong. Ang mga rebolusyonaryong hangarin at mithiin ng uring manggagawa, uring magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya ay wastong maisusulong at matutupad lamang sa pamamagitan ng makauring pamumuno ng proletaryado at partido nito.

Itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noon pang 1930. Pero dahil sa grabeng sakit na suhetibismong burges sa ideolohiya,oportunismo sa pulitika at mga paglabag sa demokratikong sentralismo sa buhay ng organisasyon, hindi lamang nabigong tuparin ng Partido ang mga rebolusyonaryong tungkulin nito kahit paborableng-paborable ang obhetibong kundisyon sa ilang panahon, laluna noong panahon ng antipasistang pakikibaka at pagkaraan niyon, kundi nabigo rin itong manatiling buo sa loob ng halos dalawampung (20) taon bago ito itinatag uli noong Disyembre 26, 1968. Ang pangunahing dahilan ng pagkabigong ito ay ang pangingibabaw sa loob ng Partido ng kontra-rebolusyonaryong linya nina Lava at Taruc hanggang itakwil ang linyang ito ng kilusang pagwawasto na binigyan ng inspirasyon ng Marxismo-Leninismo-KaisipangMao Zedong.

Ang aping mamamayan ng daigdig ay mayroon nang di magagaping sandatang pang-ideolohiya na magbabagsak sa imperyalismo, rebisyunismo at lahat ng reaksyon, at makakasama na sila sa kinabukasang sosyalista. Ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang di magagaping sandatang direktang hawak ng mga rebolusyonaryong partidong proletaryo na namumuno sa aping mamamayan ng daigdig.

Mayroon na ngayong Partido Komunista ng Pilipinas na puspusang nagsisikap na gamitin ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa kongkretong kundisyon ngPilipinas. Mayroon na ngayong Bagong Hukbong Bayan na kinukumand ng Partido, para magpalasap ng nakakamatay na mga dagok sa armadong kontrarebolusyon at magtayo ng mga bakal na moog ng rebolusyon sa kanayunan bago agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Mayroon na ngayong nagkakaisang prente para sa pagsusulong ng digmang bayan at naghihiwalay sa mga pusakal na kaaway. Nakabatay ang nagkakaisang prenteng ito sa alyansa ng proletaryado at uring magsasaka na mahigit siyamnapung porsyento (90%) ng mamamayan, at isa pa’y sumasaklaw ito sa petiburgesya, pambansang burgesya at iba pang makabayan.

4. Ano ang perspektiba ng demokratikong rebolusyong bayan

Sosyalismo ang perspektiba ng demokratikong rebolusyong bayan. Kagyat na sisimulan ang rebolusyong sosyalista sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, kapag naibagsak na ang kapangyarihan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at naagaw na ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika sa buong bayan.

Ang sosyalismo ay ang sistemang panlipunan kung saan ang kapangyarihang pang-estado ay nasa kamay ng uring manggagawa at ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aaring publiko. Ang sistema ng apropriyasyon ay may katangiang sosyal upang umalinsunod sa katangiang sosyal ng malakihang produksyon.Sa sistemang panlipunang ito, pinapalitan ang magulong sistema ng produksyon para sa tubo ng sistemang kapitalista, ng planadong produksyon para sa paggamit.

Ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang naglalatag ng materyal na mga kundisyon at nagluluwal ng mga pwersa at mga kaparaanan para sa paglulunsad at pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon. Hindi maaaring simulan ang sosyalistang rebolusyon hanggang hindi naipagtatagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.

Ang mga sosyalistang salik sa demokratikong rebolusyong bayan ay pinauunlad at pinalalakas upang matiyak na makapananaig ang uring proletaryado at makasusulong sa sosyalistang rebolusyon. Ang mga salik na ito ay ang pamumuno ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang absolutong pamumuno ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan at iba pang mga instrumento ng kapangyarihang pampulitika, pagtatayo ng sektor pang-estado at sektor pang-kooperatiba ng ekonomya bilang mapagpasyang mga salik sa ekonomya, at ang pagtatayo ng diktadura ng proletaryado sa bag-as ng demokratikong diktadurang bayan.


B.  Ang mga kaibigan at  ang mga kaaway ng rebolusyon

Sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan, mahalagang makilala kung sinu-sino ang mga kaibigan at sinu-sino ang mga kaaway.Sa gayon, natutukoy natin kung paano wastong pakikitunguhan ang bawat isa sa mga ito.

Mga kaaway ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Bilang mga naghaharing uri, sila ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng Pilipinas. Kontrolado din nila ang reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito.

Magkakakampi sa rebolusyon ang proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya at sa ilang panahon at limitadong saklaw, ang pambansang burgesya. Sila ang dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang proletaryado ang uring namumuno sa rebolusyon. Sa lipunang Pilipino, ito ang uring inianak ng modernong industriya at nasa pusisyong patuloy na magpaunlad dito. Habang sumusulong ang industriya, ito ang uring patuloy na mabilis na lalaki at bubuo sa mayorya ng mamamayan.

Dahil sa walang pag-aaring kagamitan sa produksyon, ito’y puspusang rebolusyonaryo at magpupunyagi sa rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ito ang uring humahawak sa pinakamaunlad na rebolusyonaryong teorya, ang Marxismo-Leninismo.Ang Partido Komunista ang partidong pampulitika nito.

Ang uring magsasaka, partikular ang maralita at panggitnang magsasaka, ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Bilang pinakamalaking uri sa kasalukuyang lipunan, kailangang mapukaw at mapakilos ito sa rebolusyon. Ang problema ng mga magsasaka, ang problema sa lupa at pyudal na pagsasamantala, ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang petiburgesya ay mapagkakatiwalaang kaalyado sa rebolusyon. Dumaranas din ito ng matinding pagsasamantala at pang-aapi at handang aktibong lumahok sa rebolusyon, kasama ng uring manggagawa at magsasaka.Anç mga estudyante at intelektwal ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganapng rebolusyonaryong propaganda.

Mapalalahok sa rebolusyon ang pambansang burgesya kahit mabuway ang paninindigan. Kahit nagsasamantala rin ito sa mga manggagawa at may mga kuneksyon sa imperyalismo at pyudalismo, nagigipit siya bunga ng pagkontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Para matagumpay na maipatupad ang kagyat at matagalang mga tungkulin sa rebolusyon, kailangang kilalanin at wastong pakitunguhan ang mga tunay na kaaway at mga tunay na kakampi.

1. Paano makikilala ang lokal na mga naghaharing uri?

Ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa ang lokal na mga naghaharing uri sa Pilipinas. Isang porsyento (1%) lamang sila ng polulasyon.


a. Malaking burgesyang kumprador

Sila ang pinakamalaki at makapangyarihang saray ng burgesyang Pilipino. Limpak-limpak ang kinikita nila sa pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga bayang kapitalista tulad ng US at Japan. Mga prinsipal na ahente sila ng imperyalismong US sa kalakalan, mga bangko at institusyong pinansyal at mga industriya ng Pilipinas.

Sila ang pinakamalaking mga kasosyo ng mga dayuhang kapitalista sa malalaking kumpanya tulad ng Atlas Mining, Dole, Procter ang Gamble, BF Goodrich, Carnation, Del Monte, Purefoods, San Miguel, Philippine Refining, RFM-Swift, Nestle-Magnolia Dairy, MetroBank, CitiTrust, First CitiBank, SM, Banco de Oro, PLDT, AT&T at iba pa.

Kabilang sa burgesyang kumprador ang pinakamayayaman sa Pilipinas tulad nina Marcos, Soriano, Ayala-Zobel, Aboitiz, Tan, Gokongwei, Sy, Coyiuto, Uytensu, Floirendo, Gaisano, Osmena, Concepcion, Ramos, Cojuangco, Ortigas, Roxas-Chua, at Enrile.

Kabilang din ang mga manedyer at abugado ng malalaking korporasyon, malalaking akawntant, mga huwad na lider-obrero, at mga intelektwal na mataas ang sweldo. Lahat sila ay tuwirang naglilingkod sa malaking burgesyang dayuhan at lokal.

Target ng rebolusyon ang malaking burgesyang kumprador. Sila ang pinakamabagsik sa pagpapanatili at pagpapatindi ng imperyalistang paghahari sa Pilipinas. Marumi at marahas silang lumalaban sa rebolusyon.

b. Uring panginoong maylupa

Sila ang nag-aari sa malalawak na lupaing agrikultural. Hindi sila lumalahok sa esensyal na paggawa at kung nagtatrabaho ma’y sa maliit na gawain lamang. Yumayaman sila sa pangingikil ng mataas na upa sa lupa, tributo, usura at pangangamkam ng lupa. Nakakapagsamantala din sila sa mababang pagpapasahod sa inuupahang paggawa.

Kilalang malalaking panginoong maylupa sina Marcos, Enrile, Cojuangco, Aquino, de Venecia, Yulo, Ayala-Zobel, Lopez, Osmena, Montelibano, Starke, Araneta, Dimaporo, Floirendo, Elizalde, Pelaez, at Lobregat.

Ibinibilang din sa uring panginoong maylupa ang sumusunod:

1) mga nangungupahan o konsesyonero ng malalawak na lupaing pag-aari ng reaskyonaryong gubyerno, mga bangko, simbahan, mga iskwela, o mga absenti na panginoong maylupa;

2) mga manedyer at tagalako ng mga huwad na kooperatibang agrikultural;

3) mga pangunahing engkargado ng mga panginoong maylupa sa pangungolekta ng upa sa lupa, o administrador ng malalawak na lupain nila;

4) mga usurero na umaasa sa usura bilang pangunahing hanapbuhay at mas nakaaangat sa karaniwang gitnang magsasaka;

5) mga may-ari ng makinarya (kono, traktora at iba pa) na sumisingil ng sobrang bayad na butil o pera; at

6) mga komersyante na nagbebenta ng mga kagamitan sa produksyong agrikultural sa napakataas na presyo at bumibili ng mga produktong agrikultural sa pinababang presyo.

Mahahati ang uring panginoong maylupa sa malaki, panggitna at maliit. Sa kalahatan, ang mga nagmamay-ari ng sampu hanggang apatnapu’t siyam (10-49) na ektarya ay kabilang sa maliit at panggitna. Malalaking panginoong maylupa ang may limampung ektarya o mahigit pa. Kabilang sa huli ang bagong tipong mga panginoong maylupa na nag-eeksport ng hilaw na produkto tulad ng asukal, kopra, abaka, saging at iba pa. Sila ang pinakamalapit sa mga imperyalista, pinakamayaman at pinakamakapangyarihan sa mga panginoong maylupa.

Marahas na lumalaban sa rebolusyon ang uring panginoong maylupa. Target din sila ng rebolusyon. Para sa taktikal na mga konsiderasyon, pinag-iiba-iba sila ayon sa hawak na awtoridad at pagiging despotiko. Bagamat sa pangkalahatan ay target ng rebolusyon ang buong uring panginoong maylupa, pangunahing target sa hanay nila ang mga panginoong maylupa na malaki, nasa awtoridad, at despotiko.

2. Paano makikilala ang bumubuo sa sambayanang Pilipino?

Ang sambayanang Pilipino ay binubuo ng uring manggagawa o proletaryado, uring magsasaka, mala-proletaryado, petiburgesya at pambansang burgesya. Siyamnapu’t siyam na porsyento (99%) sila ng populasyon. Sila ang mga kaibigan ng rebolusyon.

a. Proletaryado o uring manggagawa

Wala silang pag-aaring kagamitan sa produksyon. Para mabuhay, kailangan nilang magbenta ng lakas-paggawa. Sila ang lumilikha ng mga produktong pinagtutubuan nang malaki ng mga dayuhan at lokal na mga kapitalista. Ang manggagawa ang bumubuhay sa modernong industrya. Mahigit labinlimang porsyento (15%) sila ng buong populasyon.

Karaniwan silang matatagpuan sa mga pabrika ng tela, sigarilyo, kemikal, makinarya, gamot, pagkain, at iba pa; sa mga minahan at trosohan; at sa mga asyenda ng export na mga pananim tulad ng tubo, saging, pinya, at niyog. Kabilang sa kanila ang mga manggagawang bukid na tumatanggap ng regular na sahod sa mga plantasyon at sakahang kapitalista. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.

Ang proletaryado ang pinakakonsentradong uri sa lipunan. Sa maramihan at sama-samang paggawa, nagiging mahusay sila sa disiplina at organisasyon. Sa mga pakikibaka sa kabuhayan at pulitika laban sa malaking burgesya, napapanday ang makauring pamumuno nila sa rebolusyong Pilipino.

Pinamumunuan ng proletaryado ang rebolusyon sa pamamagitan ng partido sa pulitika, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Tagapamandila ito ng pinakamaunlad na rebolusyonaryong teorya, ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.Ang proletaryado ang pinakapuspusan at pinakamasugid na rebolusyonaryong pwersa. Magpupunyagi ito hanggang mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao. Sa pagrerebolusyon, walang mawawala sa kanila kundi ang tanikala ng pagkaalipin.


b. Ang malaproletaryado

Sila ang walang regular na pinagkakakitaan, wala o kulang ng hanapbuhay. Mayorya ng mala-proletaryado ay binubuo ng maralita at mababang-gitnang magsasaka. Kabilang din ang maliliit na tagayaring-kamay, karpintero, maliit na litratista, maralitang mangingisda, maliit na tagalako at kargador sa palengke, tsuper ng dyip at traysikel, katulong sa bahay, katulong sa maliliit na tindahan, at tagasilbi sa restawran.

Relatibong malaki ang bilang nila dahil sa pagkaatrasado ng kanayunan at pagkabansot ng industriya ng bayan. Sila ang itinuturing na reserbang hukbo ng paggawa.

Isang pwersang pampakilos sa rebolusyon ang malaproletaryado.

k. Lumpen-proletaryado

Dahil maraming walang hanapbuhay, patuloy na lumalaki ang lumpen-proletaryado. Sila ang mga magnanakaw, maton, pulubi, bugaw, puta, manggagantso, palaboy at iba pang nabubuhay sa gawaing antisosyal. Sila ang latak ng lipunan. Ang paglitaw nila ay resulta ng sapilitang kawalan ng magawa.

Mabuway ang paninindigan ng mga lumpen. Madali silang mabili ng kaaway at pwedeng maging mapanira. Madalas silang gamiting eskirol, impormer, maton at mga upahang nanggugulo at nanalakay sa rebolusyonaryong kilusan.

Pero ang ilan ay pwedeng magbago. Magagamit sa rebolusyonaryong pakikibaka ang kanilang pagkamuhi sa reaksyunaryong estado bastat maingat silang magagabayan. Kung sumasama sa rebolusyon, nagdadala sila ng kaisipang rebeldeng lagalag at putsista.

d. Ang uring magsasaka

Sila ang nabubuhay sa pagbubungkal ng lupa. Sila ang kalakhang pwersa ng pambansang ekonomya. Pitumpu’t limang porsyento (75%) sila ng populasyon ng Pilipinas.

Nahahati sila sa tatlong saray: mayamang magsasaka, gitnang magsasaka, at maralitang magsasaka.

1) Mayamang magsasaka

Mayroon silang sariling lupa, kagamitang pansaka at salapi na sobra sa ginagamit sa sariling pagtatrabaho nila. Kaya nakakapagnegosyo sila, nakakaarkila ng paggawa ng iba,nakakapagpaupa ng lupa, at nakakapagpautang. Kalahati ng kita nila ay mula sa sariling pagod at kalahati ay mula sa pawis ng iba. Halos limang porsyento (5%) ng populasyon sa kanayunan ang mayayamang magsasaka.

Mapapasuporta sila sa pakikibakang anti-pasista at anti-imperyalista. Pero sa anti-pyudal na pakikibaka, kailangan silang manyutralisa.

2) Gitnang magsasaka

Kadalasan silang may sariling lupa at kagamitang pansaka na sapat para mabuhay mula sa sariling paggawa. Kung may dagdag na kita sila mula sa pagpapasahod o paggawa ng iba, maliit na bahagi lamang ito ng kabuuang kita. May labinlima hanggang dalawampung porsyento (15-20%) sila ng populasyon sa kanayunan.

May tatlong antas ang gitnang magsasaka: nakatataas na gitnang magsasaka, gitnang-gitnang magsasaka, at nakabababang-gitnang magsasaka.

Bahagyang sobra ang lupa ng nakatataas na antas para sa pangngailangan ng pamilya nila. Sapat-sapat naman sa pangangailangan ang lupa ng gitnang antas. Gusto nilang kumita pa ng kaunti para makaangat sa kabuhayan at makaiwas sa pangungutang. Nagkakautang sila paminsan-minsan pero nakakaraos rin. Laging ligalig ang nakabababang antas ng kakulangan o mahinang klase ng lupa, kasalatan sa salapi, at patung-patong na utang. Para madagdagan ang kita, nagpapaarkila sila ng paggawa sa iba.

Mabuway ang kalagayan ng kabuhayan ng gitnang mga magsasaka lalo na ng nakabababang antas. Mapapalahok sila sa kilusang anti-imperyalista at anti-pyudal. Sila ay mapagkakatiwalaang alyado ng proletaryado at mahalagang pwersang pampakilos sa rebolusyon.

3) Maralitang magsasaka

Karaniwan silang walang sariling lupa at kasama lamang ng panginoong maylupa. Kahit may maliit na parsela ng lupa ang ilan, pangunahin silang umaasa sa pakikisama. May ilan silang simpleng kagamitang pansaka pero karaniwang nanghihiram o umuupa sila ng hayop na pansaka. Pitumpu’t lima hanggang walumpung porsyento (75-80%) sila ng populasyon sa kanayunan.

Kadalasang obligado silang magbenta ng lakas-paggawa para madagdagan ang maliit na parte nila sa ani. Mula sa sahod ang trenta hanggang singkwenta porsyento (30-50%) ng kabuuang kita nila.

Bunga ng matinding pagsasamantala at pang-aapi, ang maralitang magsasaka, kasama ang nakabababang-gitnang magsasaka, ay likas at pinakamapagkakatiwalaang alyado ng proletaryado sa rebolusyon. Sila ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Ang pakikibaka nila para sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan.

e. Petiburgesya

Sila ang pinakamababa at pinakamalaking saray ng lokal na burgesya. Ang katayuan nila sa ekonomya ay nasa pagitan ng masang anakpawis at ng mga mapagsamantala. Sapat-sapat ang kabuhayan nila dahil sa angkin nilang kakayahan, kaunting puhunan o ilang kagamitan sa produksyon.

Kabilang sa petiburgesya ang mayorya ng mga guro, estudyante, propesyonal na maliit ang kita, empleyado at mabababang upisyal ng gubyerno at mga empresa, gitnang magsasaka, maliliit na negosyante at mangangalakal, expertong tagayaring-kamay, karpintero-kontratista, mangingisdang may sariling bangkang de-motor at kagamitan, at bihasang manggagawa na mataas-taas ang sahod. Pitong porsyento (7%) ng buong populasyon ang petiburgesyang lunsod.

Kasama ang proletaryado at uring magsasaka, ang petiburgesya ay batayang pwersa ng rebolusyon. Sila ay maaasahang alyado ng proletaryado. Mapagpasya ang kanilang suporta para maikiling ang balanse ng pwersa pabor sa rebolusyon. Ang petiburges na mga intelektwal ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda.

g. Pambansang burgesya

Sila ang saray ng burgesya na nasa gitna ng malaking burgesyang kumprador at petiburgesya. Mga negosyante silang nagnanais ng makabansang industriyalisasyon. Saklaw ng interes nila ang maliit na pagawaan, pangingisda, maliitang manupaktura, katamtamang pangangalakal at negosyo sa transportasyon, at intermedyang industriya. Isang porsyento (1%) sila ng populasyon.

Kabilang sa mga produkto nila ang alak, sapatos, tabako’t sigarilyo, simpleng kagamitan sa agrikultura, lambat, lubid, langis ng niyog, arina, tela at damit, simento, papel, tabla, produkto ng iskrap na metal, plastik at iba pang mga produktong pangkonsumo. Hindi sila nagtatrabaho, pero sila ang tuwirang nangangasiwa sa kanilang negosyo. Tumutubo sila mula sa paggawa ng manggagawa.

Mapapalahok ang pambansang burgesya sa rebolusyon sa ilang panahon at limitadong saklaw. Kaya, dapat maging mapanghimok sa kanila. Pero dahil mabuway ang kanilang paninindigan, kailangang maging maingat sa pakikitungo sa kanila.

h. Natatanging mga grupo sa lipunan

Walang grupong panlipunan sa Pilipinas na maihihiwalay sa pagsusuri sa mga uri.Kapag binibigyan ng Partido ng ispesyal na atensyon ang mga grupong panlipunan tulad ng mga mangingisda, pambansang minorya, setler, kababaihan at kabataan, hindi ito ginagawa para palabuin o pawalan ng halaga ang makauring nilalaman kundi para bigyan ng nararapat na atensyon ang partikular na kundisyong taglay o kailangang ng bawat grupong panlipunan.

1.  Dahil sa pagiging pulu-pulo ng Pilipinas, natatangi ang laki ng grupong panlipunan ng mga mangingisda.Bukod sa mangingisda sa dagat, mayroon ding mga mangingisda sa malalaking ilog at lawa.Ang pangingisda ay hindi lamang pandagdag na hanapbuhay ng uring magsasaka.Mayroong pangingisda lamang ang hanapbuhay at mahahati sila sa tatlong seksyon: mayaman, panggitna at maralita.

Ang mga mayamang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang de-motor, malalaking lambat at kagamitan sa pangingisda, bumibili ng lakas-paggawa ng mga maralitang mangingisda at kumikita ng higit sa sapat para sa pangangailangan ng pamilya.  Ang mga panggitnang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang de-motor, lambat na katamtaman ang laki at kagamitan na di kasing husay ng sa mayamang mangingisda, sa pangisdang munisipal lamang nangingisda, at kumikita ng sapat lamang para sa pamilya.Ang mga maralitang mangingisda ay pwedeng may sariling bangka at kagamitan na mahina ang klase, sa may baybayin pangunahing nangingisda, at hindi kumikita ng sapat para sa pamilya kaya kailangan pang humanap ng ibang hanapbuhay, kadalasa’y sa pagsasaka bilang pantulong na hanapbuhay; o pwedeng ibinebenta nila ang kanilang lakas-paggawa sa mga mayamang mangingisda at kapitalista sa pangingisda.

Ang mga mangingisda ay direktang pinagsasamantalahan ng mga kapitalistang US at Hapon na nangingisda sa dagat at gumagamit ng malalaking troler at mga plota (kabilang ang mga bapor na imbakan ng isda at bapor na pabrika ng de-latang isda) na sumisimot sa mga pangisdaan; ng mga panginoong maylupang nagbabakod at umaangkin sa pangingisda na nagdidikta ng presyo; at ng abusadong mga upisyal ng gubyerno na basta na lamang kumukuha ng buwis na pera o isda.

Pwedeng suportahan ng mga mangingisda, laluna ng mga maralita at panggitna, ang antiimperyalista at antipyudal na pakikibaka.Importanteng-importante sila sa pagkakawing at pagdedepensa sa mga pulo at sa pagpapakain sa mamamayan.  Pwede nilang payamanin ang teorya at praktika ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa pakikidigmang dagat at pakikidigmang inilulunsad sa mga ilog,lawa at wawa.

2.  Dapat bigyan ng espesyal na pansin ang pangangailangang magkaroon ng awtonomong gubyerno ang mga pambansang minorya na umaabot sa labing-apat na porsyento (14%) ng populasyon.  Ang pinakamarami ay ang tinatawag na mga tribung Muslim (na mas tamang tawaging Magindanao, Maranao, Tausog, at iba pa). Kasunod ang mga tribung Igorot.

Ang malawak na mayorya ng mga pambansang minorya ay naninirahan sa mga liblib na lugar at mga lugar na pinababayaan at inaabuso nang husto ng reaksyuunaryong gobyerno. Ang mga pambansang minorya ay matagal nang biktima ng sobinismong Kristyano at pang-aapi ng mga reaksyunaryo.Hinding-hindi pwedeng magpataw o magbigay ng impresyon na nagpapataw sa kanila ng isang bagay na labas sa kanilang awtonomong pangangailangan. Kinikilala ng Partido ang karapatan nilang magpasya sa sarili. Mapapagkaisa lamang sila at ang iba pang mamamayang Pilipino batay sa pagkakapantay-pantay at respeto sa kanilang kultura o lahi.

Ang pangangamkam ng lupa ang kasamaang ipinapadanas ng malalaking nag-iispekulasyon sa lupa, magtotroso, may-ari ng rantso, kumpanya sa minahan at panginoong maylupa sa lahat ng katutubong pambansang minorya sa Pilipinas. Palagi na lamang silang napapalayas sa kanilang lupa sa pamamagitan ng armas.

Marami sa kanila ang naitaboy sa pinakaliblib na lugar, at ang mga ito ay pwedeng gawing makapangyarihang mga base para sa rebolusyonaryong pakikidigma.

Ang tamang patakaran sa lahat ng pambansang minorya ay panghawakan lagi ang proletaryong paninindigan at gumawa ng kailangang pagsusuri sa mga uri. Ito lamang ang paraan para puspusang makasanib sa kanila ang Partido. Sa pagpapalitaw ng mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma sa mga pambansang minorya, hindi lamang ang buong papet na estado ang maibabagsak ng Partido kundi pati ang mga lokal na tirano sa mga teritoryo ng mga pambansang minorya.

3.  Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan sa Pilipinas ay isang importanteng penomenon dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Importante sila dahil sila’y inaapi, marami at nasa tereyn na paborable sa armadong pakikibaka.Sa ilang probinsya, ang mga setler ang mayorya ng lokal na populasyon.

Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan ay mga magsasakang nawalan ng lupa at walang makitang trabaho sa bukid o pabrika sa lubar na pinanggalingan nila.  Kahit sa umpisa ay mayroon silang kapitasong lupang binubungkal at itinuturing na sa kanila, karaniwa’y nabubuhay sila bilang maralitang magsasaka o nakakababang-panggitnang magsasaka, at hinahadlangan ng reaksyunaryong gubyerno at iba’t ibang lokal na mapagsamantala na magkaroon ng pormal na titulo sa kanilang lupa.Kadalasa’y nagiging biktima sila ng pangangamkam ng lupa, kapabayaan ng gubyerno, pang-uusura, manipulasyon ng komersyante, “lagay” sa mga lokal na burukrata at maton, at mga bandido. Para sa sariling pakinabang ng mga panginoong maylupa at upisyal na reaksyunaryong gubyerno, madalas na inuudyukan ng mga ito na maghidwaan ang mga komunidad ng mga setler at ng mga katutubo.

4.  Ang kababaihan ang kalahati ng populasyon ng Pilipinas at kabilang sila sa iba’t ibang uri. Kung gayon, ang malawak na mayorya ng babaeng Pilipino ay kabilang sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan.Pero dagdag sa makauring pang-aapi, dinaranas nila ang pang-aapi ng kalalakihan. Dapat lalong magsikap ang mga lalaking rebolusyonaryo para magkaroon ang kababaihan ng pinakamalawak na partisipasyon sa demokratikong rebolusyon ng bayan.Hindi nila dapat maging aktitud na sapat nang ang mga lalaki ang nasa rebolusyonaryong kilusan. Ang totoo’y pyudal ang aktitud na ito at gagrabe lamang ang lumang impluwensya ng angkan at simbahan sa kababaihan kung ipupwera sila sa rebolusyonaryong kilusan. Pwedeng gampanan ng kababaihan ang mga pangkalahatan at ispesyal na tungkulin sa rebolusyon.  Epektibo itong paraan para makalaya sila sa sakmal ng pyudal na konserbatismo at pati sa dekadenteng burges na paglalarawan sa kababaihan bilang mga bagay na pang-aliw lamang.

5.  Ang kabataan ang mayorya ng populasyon ng Pilipinas. Dapat nating tandaan na kabilang sa uring manggagawa at uring magsasaka ang mayorya ng kabataan.Natural lamang na kabataan ang mayorya ng kadre ng Partido at regular na mandirigma sa hukbong bayan.Hindi dapat maging arogante sa mga kabataan ang mga nakatatanda at hindi naman dapat mawalan ng respeto sa mga nakatatanda ang mga kabataan.Ang rebolusyonaryong karanasan ng mga nakatatanda ay dapat mahusay na maisanib sa rebolusyonaryong sigla at talas ng mga kabataan.

Importanteng umasa sa kabataan sa matagalang rebolusyonaryong pakikibaka. Sa pagmomobilisa sa kabataan, nasisiguradong walang tigil na lilitaw ang mga magpapatuloy sa rebolusyonaryong kilusan.

3. Bakit mahalaga ang pana-panahong pagsusuri sa mga uri sa proseso ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan?

Batay sa mga uri at saray, kailangan din natin ang paulit-ulit na pagsusuri sa mga uri nang sa gayo’y magkaroon tayo ng tamang pagsapol sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud dahil sa bagong materyal na kundisyon, at gayundin sa mga pagbabago sa materyal na kundisyon dahil sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud.

Pwedeng mangyari na maikaklasipika ang isang tao sa dalawa o higit pang kategorya ng uri. Dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya, ang isang kabilang sa uring panginoong maylupa ay pwedeng kabilang din sa malaking burgesya o sa panggitnang burgesya. Pwedeng tukuyin ang prinsipal na katangian ng uri ng taong ito batay sa kanyang prinsipal na pinagkakakitaan. Kapag isa ring pambansang burges ang isang panginoong maylupa, magkahiwalay at tamang hinaharap ang kanyang interes bilang panginoong maylupa at interes sa industriya o komersyo.Ang isang myembro ng intelihensya ay pwedeng magmula sa pamilyang panginoong maylupa, pambansang burges o mayamang magsasaka, pero naghahanapbuhay siya bilang petiburges ng lungsod.Sa esensya, kinikilala siyang myembro ng petiburgesya ng lungsod.

Gayunman, hindi lamang pamantayang pangkabuhayan ang dapat gamitin sa pagkaklasipika ng mga indibidwal.Nahuhubog ang rebolusyonaryo o kontrarebolusyonaryong katangian ng isang indibidwal sa takbo ng pakikibaka, laluna pagdating sa usapin ng pagiging proletaryong rebolusyonaryo.Walang isinisilang na Pula kahit sa mga anakpawis.Sa mga inaapi’t pinagsasamantalahan, pwedeng magkaroon ng sandakot na iskirol na dahil sa kontrarebolusyonaryong aktitud ay napupunta sa panig ng mga kaaway ng mamamayan. Sa mga miyembro ng petiburgesya, may pwedeng maging abanteng elemento sa rebolusyonaryong pakikibaka.Kahit sa mga miyembro ng mga mapagsamantalang uri may mga bukod-tanging kaso ng mga indibidwal na nagbabago at sumasama sa mga rebolusyonaryo.Kung gayon, dapat bigyan ng nararapat na importansya ang pamantayan ng paninindigang pampulitika at ang proseso ng pagbabago ng ideolohiya.

K. Ang tatlong mahahalagang sandatang kailangan para magtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan

Ang tatlong sandata ng rebolusyong Pilipino ay ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang BagongHukbong Bayan at ang pambansang nagkakaisang prente.  Sa madaling sabi,ang Partido Komunista ng Pilipinas, na kumakatawan sa proletaryado, ay gumagamit ng dalawang makapangyarihang sandata, ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente.

1.  Bakit kailangan ang makauring liderato ng proletaryado at ng Partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas?

Hindi magkakaroon ng matagumpay na rebolusyon kung wala ang tamang liderato ng isang tiyak na uri. Ang proletaryado ang namumunong uri sa rebolusyong Pilipino ngayon. Sila ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon at pulitika at sa buong mundo.Sila ang nagdadala sa bandera ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, na kung wala ay hindi pwedeng lumitaw ang tunay na rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon.

Mula noong Unang Digmaang Pandaigdig at Rebolusyon ng Oktubre, nang pumihit ang takbo ng kasaysayan ng mundo sa landas ng sosyalismo mula sa landas ng kapitalismo, ang proletaryadong Pilipino lamang ang nagkaroon ng kakayahang unawain at yakapin nang husto ang mga mithiing makabayan at progresibo at yakapin nang husto ang mga mithiing makabayan at progresibo ng buong sambayanang Pilipino. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng pambansang paglaya ng sambayanang Tsino at iba pang mga sambayanan, at pagkatapos ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura, lalo pang luminaw ang istorikong papel ng proletaryadong Pilipino bilang namumunong uri ng rebolusyong Pilipino.

Nitong nakaraang limampu’t limang (54) taon, sila ang uri sa lipunang Pilipino na nangahas sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mga dayuhan at lokal na mang-aapi’t mapagsamantala.  Sila ang uring nakapagtamo ng pinakamalalim na karanasan at mga aral sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.

Dahil sa kalikasan ng uring proletaryado, hindi lamang sa kagyat na hinaharap makakaya nilang magbigay ng rebolusyonaryong liderato kundi pati sa malayong hinaharap hanggang maabot ang yugto ng komunismo.Pinamumunuan nila ang kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at pinamumunuan din ang kasunod na yugto, ang rebolusyong sosyalista.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakaabanteng kumakatawan at prinsipal na instrumento ng rebolusyonaryong liderato ng proletaryadong Pilipino sa pagtupad sa makasaysayan nilang tungkulin.Binubuo ang Partido ng pinakaabanteng mga elemento ng proletaryado at kung gayo’y konsentradong ekspresyon ito ng lakas sa ideolohiya,pulitika at organisasyon ng proletaryado bilang uring namumuno.

Kung wala ang rebolusyonaryong Partidong ito, hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan.  Responsable ang Partido sa tamang paggamit ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa kongkretong kundisyon ng lipunang Pilipino.  Ang praktikal na liderato at mga patakaran nito ang nagtatakda sa takbo ng rebolusyonaryong kilusan.  Bilang pangkalahatang pamunuan ng rebolusyong Pilipino,tinitiyak ng Partido na maisusulong ng tamang estratehiya at mga taktika ang rebolusyong simulain.

Kahit medyo maliit ang proletaryado sa lipunang malakolonyal at malapyudal tulad ng sa Pilipinas, ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang pinakaabanteng destakamento nila ay malalim na nag-uugat sa malawak na masa ng mamamayan at nagpapalakas para maging di magagaping pwersa sa bag-as ng buong rebolusyonaryong kilusang masa. Mahigpit na ikinakawing ng Partido ang proletaryado sa uring magsasaka at pati sa iba pang rebolusyonaryong uri at grupo sa Pilipinas. Sa pagbibigay ngPartido ng proletaryong liderato sa uring magsasaka, mahahawakan ang prinsipal nitong sandata, ang malakas na hukbong bayan, at mapapaunlad ang batayan para mahawakan ang isa pang makapangyarihang sandata, ang pambansang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at saray.

Sa masidhing pagmamatyag sa peligro ng modernong rebisyunismo, at sa paglitaw ng bagong kontrarebolusyonaryong linyang rebisyunista ng mga bagong Lava at Taruc, sa katauhan nina Felimon Lagman, Arturo Tabara, Ricardo Reyes, Romulo Kintanar at ahente ng CIA na si Joel Rocamora, ang Partido ay walang pagod na naglulunsad ng kilusang pagwawasto para maiwaksi ang mga pagkakamali noong nakaraan at pati sa kasalukuyan.

2.  Bakit kailangan ang kilusang magsasaka at ang armadong pakikibaka?

Ang uring magsasaka ang kalakhang pwersa ng rebolusyong Pilipino.Sila ang pinakamalaking pwersang masa sa isang bayang malakolonyal at malapyudal.  Kung wala ang makapangyarihang suporta nila, hinding-hindi magtatagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang problema nila ay hindi pwedeng hindi maging pangunahing problema ng demokratikong rebolusyon ng bayan.  Sa paglutas lamang sa problemang ito mapupukaw at mamomobilisa ng proletaryado at ng Partido nila ang masang magsasaka.

Walang solusyon sa problema ng magsasaka kundi ang maglunsad ng armadong pakikibaka, magsagawa ng rebolusyong agraryo at magtayo ng mga rebolusyonaryong base. Habang isinasagawa ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa lupa bilang paraan ng pagtupad sa pangunahing demokratikong nilalaman ng rebolusyong Pilipino, natutupad din ang sentral na tungkulin ng buong pambansang rebolusyonaryong kilusan na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Mabubuo lamang ang mga pangunahing armadong pangkat ng rebolusyong Pilipino sa paglulunsad ng gerang magsasaka.  Kung gayon, di maiiwasan na sa uring magsasaka lamang pwedeng magmula ang malawak na mayorya ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbang Bayan.

Magkakamali ang isang Partido Komunista sa malakolonyal at malapyudal na bayan kung sa kalunsuran imbis na sa kanayunan ibibigay ang prinsipal na diin ng gawaing masa nito. Kapag ganoon ang ginawa ay maililigaw ito at makakagawa ng “Kaliwang” oportunistang pagkakamali na tangkaing agawin ang kapangyarihan batay,  pangunahin, sa lakas ng masang proletaryado sa kalunsuran, nang walang sapat na suporta mula sa uring magsasaka, o makagagawa naman ng Kanang oportunistang pagkakamali na umasa nang walang hanggan sa parlamentaryong pakikibaka at sa mga walang prinsipyong pakikipagkompromiso sa mga imperyalista’t mga naghaharing uri tulad ng tinatangka ngayong gawin ng mga lokal na rebisyunistang taksil.

Dahil isinasaalang-alang ang di pantay na pag-unlad ng lipunangPilipino, ang dapat bigyan ng prinsipal na diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan at ang dapat bigyan ng sekundaryong diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran. Sa lahat ng oras, dapat maging mahusay ang koordinasyon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at sa kanayunan.  Pero hinding-hindi natin dapat kaligtaan ang sentral na katotohanan na nasa kanayunan ang pinakamahinang mga kawing ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway at doon pinakamalawak ang lugar na mapapagmaniobrahan ng armadong pwersa ng bayan sa pira-pirasong pag-ubos at hakbang-hakbang na pagdurog sa kontrarebolusyonaryong armadong pwersa.

Dapat masigasig na ipatupad ang estratehikong linya na kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan. Sa kanayunan mapipilit ang kaaway na ikalat nang manipis ang kanilang pwersa, at maaakit sila sa mga lugar na ang inisyatiba ay ating-atin.Kahit sa umpisa’y istratehikong nakukubkob tayo ng kaaway, isa laban sa sampu (10), sa taktika’y makukubkob naman natin sila, sampu (10) laban sa isa. Sa katagalan, ang agos ng gera ay siguradong maipipihit laban sa kanila habang nababawasan ang aktwal nilang pwersa at sa mga dahilang pampulitika’y nahihirapan silang kumuha ng bago. Sa lahat ng oras, mapipilitan silang magtalaga ng napakalaking pwersang militar kahit man lamang sa istatikong pagdedepensa sa kanilang mga syudad, malalaking kampo at mga pangunahing linya ng komunikasyon at transportasyon. Sa katagalan ay masasangkot din nang husto ang kanilang parasitiko’t pasibong pwersang militar sa mga hidwaan ng mga paksyon ng mga reaksyonaryong uri.

Sa kanayunan, makakapagpaunlad tayo ng ilang larangan ng labanan na iba’t iba ang kalidad, mula mga sonang gerilya hanggang mga baseng purok. Sa gawaing ito, lagi tayong magtiwala at umasa sa masa dahil ang rebolusyon ay pagsisikap ng masa. Dapat lagi tayong pangunahing umasa sa mga maralitang magsasaka, nakabababang-panggitnang magsasaka at lahat ng seksyon ng proletaryado at malaproletaryado na nasa kanayunan.  Isa pa, dapat nating kunin sa panig ng rebolusyon ang mga panggitnang magsasaka at nyutralisahin ang mga mayamang magsasaka para maihiwalay at madurog ang mga pangunahing haligi ng pyudalismo at lahat ng iba pang lokal na tirano.

Sa paglikha ng mga baseng purok natin, umaasa tayo sa matatag na organisasyon ng Partido, malakas-lakas na Pulang Hukbo, tereyn na paborable sa operasyong militar at sapat na mapagkukunan ng kabuhayan.

Ang pinakaatrasadong mga purok sa kanayunan ay magagawa nating pinakasulong na moog sa pulitika, militar, ekonomya at kultura ng rebolusyon.  Malilikha na natin ang armadong nagsasariling rehimen sa kanayunan kahit hindi pa natatalo ang kaaway sa kalunsuran.Makakasulong lamang ang rebolusyon batay sa mga solidong demokratikong tagumpay sa kanayunan. Dahil di pantay ang pag-unlad ng lipunang Pilipino, sa di pantay na paraan lamang pwedeng umunlad ang demokratikong rebolusyon ng bayan.  Kung gayon, kailangan ang matagalang digmang bayan para puspusang maganap ang rebolusyon sa buong Pilipinas.

3.  Bakit kailangang itayo ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka bilang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente?

Ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente.  Sa pagbubuo lamang ng ganitong alyansa pwedeng maakit sa pambansang nagkakaisang prente ang mga panggitnang pwersang tulad ng petiburgesya at pambansang burgesya para maihiwalay ang mga pusakal na kaaway.Nagsisilbi ang pambansang nagkakaisang prente sa linyang pampulitika ng Partido na ang rebolusyong Pilipino sa saliga’y rebolusyon ng masang anakpawis laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente, malawak na napapalaganap ng Partido ang pampulitikang impluwensya nito at natatamo ang pinakamalawak na suporta ng masa at iba pang progresibong uri at saray.  Nakabatay ang malawak na gawaing ito sa mga pagsisikap ng proletaryado na itayo ang nagsasariling lakas nila sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na pangunahing sinusuportahan ng uring magsasaka.Ang tunay na nagkakaisang prente para sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay para sa paglulunsad ng armadong pakikibaka.

Sa kasalukuyan ay ikinakalat ng mga kontrarebolusyonaryong rebisyunista ang lumang nakakalasong ideya na ang nagkakaisang prente ay pangunahing para sa parlamentaryong pakikibaka. Ipinapalaganap din nila ang kontrarebolusyonaryong pananaw na hindi kailangan ang pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng partido nito, ang Partido Komunista sa loob ng nagkakaisang prente, at sa gayon ay ipinaiilalim sa pamumuno ng burgesya ang nagkakaisang prente.

Kailangang imantini lagi ng proletaryado at ng Partido ang kanilang liderato, kalayaan at inisyatiba sa loob ng nagkakaisang prente habang kinikilala ang kalayaan at inisyatiba ng kanilang mga alyado at binibigyan ng konsesyon ang mga ito, sa kundisyong may pagkakasundo sa pangkalahatang programang tumutugma sa pangkalahatang linya at programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan, at sa kundisyong hindi makakasira ang ganoong mga konsesyon sa saligang interes ng masang anakpawis.

Kaugnay ng pambansang burgesya laluna, alam na alam ng Partido na kailangan ang pagkakaisa at tunggalian sa nagkakaisang prente. May dalawang katangian ang uring ito:  rebolusyonaryo ang isang aspeto at reaksyunaryo ang isa pang aspeto.  “Kaliwang” oportunismo na itakwil ang uring ito bilang ganap na kontrarebolusyonaryo, at Kanang oportunismo naman na yakapin sila bilang ganap na rebolusyonaryo. Ang tamang patakaran ay makipagkaisa sa kanila hanggang sa antas lamang na katumbas ng pagsuporta nila sa rebolusyon sa loob ng partikular na panahon, at kasabay nito’y punahin sila sa pagdadalawang-loob o tendensya nilang magtraydor sa rebolusyon. Dahil sa patakarang ito, lagi tayong magiging mapagmatyag.

D. Ang matagalang digmang bayan at ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan

1. Ano ang matagalang digmang bayan?

Ang matagalang digmang bayan ay ang rebolusyonaryong digma na pangunahing inilulunsad sa kanayunan ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at mamamayang Pilipino para kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa matagalang digmang bayan pangunahing diin ang pagsusulong ng rebolusyon sa kanayunan. Dito matatagpuan ang pinakamahinang kawing sa kapangyarihan ng kaaway, ang malawak na kalupaang paborable sa armadong pakikibaka, at ang masang magsasaka na pangunahing pwersa ng rebolusyon. Dito pangunahing inilulunsad ang pakikibakang anti-pyudal para ibagsak ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at itayo ang demokratikong kapangyarihan ng bayan.

Sa kanayunan, nakakapag-ipon ang rebolusyonaryong mga pwersa ng lakas na pandurog sa kaaway. Hakbang-hakbang na pinapaunlad ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at mga baseng rebolusyonaryo hanggang sa mapantayan at sa kalauna’y malamangan at magapi ng hukbong bayan ang armadong pwersa ng kaaway.

Pinakamasahol na ang pang-aapi at pagsasamantalang pinaiiral ng mga reaksyunaryo sa masang magsasaka. Gayunman, napakalawak ng kanayunan kung kaya hindi maiwasan ng kaaway na kumalat ng manipis o pabayaan ang malawak na purok kapag nakatipon sa ilang lugar. Samakatwid, ang kanayunan ang matabang lupa sa pag-usbong at pagyabong ng Pulang kapangyarihang pampulitika– ang hukbong bayan, mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at ang  Partido. Wala nang lalawak at huhusay pang maniobrahan ang ating hukbong bayan at sa tipo natin ng pakikidigma.

Sa bayan natin ay nailulunsad ang matagalang digmang bayan dahil sa relatibong malawak ang di-maunlad na kanayunan na kinaroroonan ng kalakhan ng populasyon. Maraming lugar ang relatibong malayo sa mga sentro at pangunahing linya sa komunikasyon ng kaaway at pinamumuhayan ng mga mamamayang umaasa sa sari-sari nilang produktong bukid.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, sa mahabang panahon lamang natin pahakbang-hakbang na mapauunlad ang mga pwersa natin sa pautay-utay na paggapi sa mga puwersa ng kaaway. Wala tayo sa katayuang iharap ang maliliit at mahihina nating pwersa sa mga estratehikong mapagpasyang pakikipagsagupa sa mga puwersa ng kaaway na nakalalamang sa militar.Matatag na patakaran natin ang lumahok lamang sa labanang kaya nating ipagtagumpay. Kung hindi’y umiiwas tayo sa kaaway na hindi natin matatalo at humahanap ng pagkakataong dagukan ang pwersa ng kaaway na kaya nating matalo.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, ginagamit natin ang estratehikong linyang kubkubin ang mga lunsod mula sa kanayunan. Matatag nating pinauunlad ang mga base at sonang gerilya sa iba’t ibang estratehikong lugar sa bayan. Sa susunod na yugto, ang mga lugar na ito’y pag-uugnayin ng mga regular na puwersang makilos na nasa pusisyon nang magtanggol sa higit na malalaki at matatag na baseng rebolusyonaryo sa kanayunan. Mula sa ganoong mga base ay maaagaw natin sa wakas ang mga lunsod at makasusulong tayo tungo sa tagumpay sa buong bansa.

2. Bakit mahalaga ang rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kalunsuran?

Habang pangunahing tungkulin na isulong ang matagalang digma sa kanayunan, segundaryong tungkulin naman na paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang lihim, at ang malawak na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Ang pangunahing katangian ng rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kalunsuran ay ang pagiging ligal at depensiba.

Sa kalunsuran pinupukaw, inoorganisa’t pinapakilos ang masa ng mga manggagawa at iba pang maralita, gayundin ang petiburgesya (laluna ang mga estudyante’t guro), at iba pang gitnang pwersa para sa mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista, at para suportahan ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Matagalang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ang paghahanda ng masang tagalunsod para sa panahong handa nang agawin ng hukbong bayan ang mga kalunsuran.

3. Paano ang ugnayan ng rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kanayunan at kalunsuran?

Ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan ay nagbibigay-sigla sa rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran. Nakakapagpainam sa kalagayan para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran ang pagsulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan na nagpapahina sa kaaway.

Sa kabilang banda, ang rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ay nagbibigay ng kinakailangang suportang pampulitika, tao at materyal sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Pinagsasanib natin ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at sa kanayunan; sa mga bayan at sa mga baryo; sa mga pulang purok, puting purok at rosas na purok.

Nagpapakahusay tayo sa pagkukumbinasyon ng mga aktibidad na ligal, iligal at malaligal sa pamamagitan ng laganap at matatag na kilusang lihim. Ang rebolusyonaryong kilusang lihim na umuunlad sa tabing ng mga aktibidad na demokratiko at ligal ay dapat magtaguyod sa komprehensibong pag-unlad ng mga pwersang rebolusyonaryo, mag-ugnay sa magkakahiwalay na bahagi ng Partido at hukbong bayan sa bawat antas.

E. Ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan

Isinasaad ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan ang mga saligang prinsipyo, layunin at tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan. Batay ito sa “Programa sa Demokratikong Rebolusyong Bayan” na pinagtibay ng PKP noong 1968. Tinatanggap ito ngayon ng malawak na masa bilang gabay sa pagsusulong sa demokratikong rebolusyong bayan. Napatunayan nang wasto ang pangunahing mga nilalaman nito, sa rebolusyonaryong pakikibaka sa nakaraang mahigit dalawang dekada.

1. Ano ang sentral na tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan?

Sentral na tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan na ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika.

Layunin nitong palayain ang sambayanang Pilipino sa dayuhan at pyudal na pagsasamantala at pang-aapi.

2. Ano ang tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa larangan ng pulitika?

Dapat gawin ang lahat para kapwa makamit ang pambansang rebolusyon na pangunahing laban sa imperyalismong US at ang demokratikong rebolusyon laban sa pyudalismo at pasismo. Dapat ibagsak ang magkasanib na reaksyunaryong diktadura ng malaking burgesyang kumprador, uring panginoong maylupa at mga burukarata kapitalista, at palitan ng sistema ng demokratikong estadong bayan, ang diktadura ng nagkakaisang prente ng proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya, pambansang burgesya at lahat ng iba pang makabayan.

Isang bagong demokratikong republika na pinamumunuan ng proletaryado at nagtutugma-tugma sa mga interes ng lahat ng rebolusyonaryong uri’t saray ang papalit sa kasalukuyang huwad na republika na walang iba kundi papet na likha ng imperyalismong US at mapamilit na instrumento ng mga mapagsamantalang uri. Ang republikang ito ay hindi magiging diktadura ng burgesya, o diktadura ng proletaryado, kundi magkasanib na diktadura ng lahat ng rebolusyonaryong uri’t saray na pamumunuan ng proletaryado.

Magkakaroon ng mga kongreso o kumperensya ng bayan mula pambansang antas ng gubyerno hanggang sa antas ng probinsya o distrito.  Sa mga nakabababang antas, magkakaroon din ng mga kinatawang organong namamahala.  Sa bawat antas, ihahalal ang mga representante ng mamamayan ayon sa sistema ng panlahatan at pantay-pantay na pagboto.  Ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang magiging pangunahing prinsipyong pang-organisasyon ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

Ang Pambansang Kongresong Bayan ay bubuuin ng mga kinatawang hinirang ng gubyernong bayan sa mga probinsya. Magkakaroon ng iba pang mga kinatawan ng demokratikong mga uri, partido at grupo na sinang-ayunan ng mga kinatawan ng gubyernong bayan sa mga probinsya at rekomendado ng organisasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Pupulungin ito matapos ang tagumpay sa buong bayan o pagkalaya ng malaking bahagi ng Pilipinas.

Kahit hindi pa lubusang naibabagsak sa buong bayan ang reaksyunaryong estado, itatatag na ang demokratikong gubyernong bayan sa mga lugar kung saan nagtagumpay na ang mamamayan. Itatayo ang mga komiteng rebolusyonaryo sa mga baryo bilang binhi o aktwal na organo ng demokratikong kapangyarihang pulitikal.

3. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangang militar?

Sa baril nagmumula ang kapangyarihang pampulitika. Hanggat hindi nadudurog ang mga kontrarebolusyonaryong armadong pwersa hindi maitatatag ang independyenteng rehimen sa kanayunan o ang sistemang demokratikong estadong bayan sa buong Pilipinas.

Ang Bagong Hukbong Bayan ang magiging sandigan ng sistema ng demokratikong estadong bayan.  Prinsipal na tungkulin nito ngayon na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Dapat lagi nitong pagsilbihan ang sambayanan at idepensa sila sa kanilang mga kaaway.

Dapat magkaroon ng katangiang masa ang lahat ng armadong pwersa ng bayan, at dapat pamunuan ang mga ito ng proletaryado at ng Partido nila. Sa proseso ng pagsulong ng armadong pakikibaka mapauunlad ang mga pangunahing anyo ng armadong pwersa ng bayan: ang regular na pwersang makilos, ang mga gerilyang bayan at ang milisyang bayan. Pangunahin silang nagmumula sa uring magsasaka.

Sa kanayunan muna dapat likhain ang mga rebolusyonaryong base at sonang gerilya. Doon kailangang talunin ang kaaway bago tuluyang agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Ang Bagong Hukbong Bayan ay susulong na parang mga alon sa loob ng mahabang panahon para durugin ang kaaway sa buong bayan.

4. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangan ng ekonomya?

Kukumpiskahin at isasabansa ang mga pag-aari ng mga imperyalista, malaking burgesyang kumprador, malalaking burukratang kapitalista at mga taksil. Pangangasiwaan ng estado ang lahat ng mga kumpanyang isasabansa at mga pinagkukunan ng hilaw ng materyales at enerhiya. Kukumpiskahin ang lahat ng negosyong may katangiang monopolyo. Magkakaroon ng katangiang sosyalista ang sektor na pang-estado ng ekonomya at magiging namumunong salik sa pambansang ekonomya. Ipapatupad ang mga ito para sa pakinabang ng masang anakpawis.

Kukumpiskahin ang lupa ng mga panginoong maylupa at ipamamahagi nang libre sa mga magsasakang walang lupa o kulang sa lupa. Ipapatupad ang prinsipyo ng pantay-pantay na pag-aari ng lupa. Uumpisahan ang mga empresang kooperatiba sa mga may-aring nagbubungkal at iba pang maliliit na prodyuser bilang unang hakbang tungo sa sosyalismo.

Papayagan ang pambansang burgesya na pairalin ang kapitalistang produksyon pero hindi ito dapat makapangibabaw o makahadlang sa kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

Sa makatwirang haba ng panahon, papayagan ang pagnenegosyo, pag-aari ng sobrang lupain, at pag-arkila ng mayamang magsasaka sa paggawa ng iba. Bibigyan ng pagkakataong maghanapbuhay ang mga panginoong maylupa na walang krimen laban sa bayan, bagamat hindi sila ilalagay sa anumang pusisyong magpasya o umimpluwensya sa mga desisyon.

Ipapatupad ang prinsipyo ng pag-asa sa sarili sa mga usapin sa ekonomya habang itinatayo ang mga base at sonang gerilya sa kanayunan. Lalahok sa produksyon ang rebolusyonaryong mga pwersa at iiwasang lubos na umasa sa pondong mapapalitaw mula sa kontribusyon, kumpiskasyon, o bonong pandigma. Istriktong ipapatupad ang estilo ng simpleng pamumuhay at masikhay na paggawa.

Bago ang pambansang tagumpay, ang mga namumunong organo ng Partido at ang gubyerno ng base ay gagawa ng angkop na mga patakarang pang-ekonomya para sa mga base at kalapit na mga sonang gerilya batay sa kongkretong sitwasyon. Titiyakin nila na bago magsagawa ng repormang pang-ekonomya sa isang lugar, may sapat nang mga kadre at rebolusyonaryong organisasyon na maniniguradong magkakaroon ng tamang pagsasaayos ng interes ng mamamayan.

5. Ano ang mga katangian ng kulturang ipapalaganap ng demokratikong rebolusyong bayan?

Walang magagawang kahit anong pagsulong ng rebolusyong Pilipino kung hindi magkakaroon ng pangkalahatang pagkamulat ang malawak na masa ng mamamayan. Ang konsepto ng demokrasyang bayan o bagong tipo ng pambansang demokrasya ang dapat maging buod ng pangkulturang aktibidad ng rebolusyonaryong kilusang masa. Dapat pangibabawan at ibagsak ng isang pambansa, siyentipiko at pangmasang kultura ang imperyalista, pyudal at antipopular na kulturang umiiral ngayon.

Ang sistema sa edukasyon, mula pinakamababa hanggang pinakamataas na antas, ay magiging demokratiko. Ipatutupad ang libreng edukasyon para sa mamamayan sa lahat ng antas.

Dapat palaganapin ang isang rebolusyonaryong kulturang pambansa para labanan ang imperyalistang pang-aapi at maitaguyod ang dignidad at kasarinlan ng bansang Pilipino.Dapat itakwil ng kulturang ito ang dekadenteng kultura ng kolonyalismo, imperyalismo at neo-kolonyalismo.May mga porma ng kulturang tradisyonal at moderno na dapat kunin at lagyan ng nilalamang magpapatingkad sa pambansa-demokratikong rebolusyon.Dapat umugnay ang rebolusyonaryong kulturang ito sa mga kulturang sosyalista at kultura ng bagong demokrasya ng ibang bansa.Dapat ipaloob at iangkop sa pambansang kundisyon ang anumang progresibo sa mga dayuhang kultura.Kasabay nito, dapat irespeto ang kultura at mga kaugalian ng mga pambansang minorya.

Mabubuhay lamang sa Pilipinas ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong kung isasanib ito sa lokal na kundisyon at magkakaroon ng tiyak na pambansang porma. Dapat itaguyod ang paggamit sa pambansang lenggwahe para mapabilis ang pagpapalaganap sa rebolusyonaryong kulturang pambansa.

Kailangang palaganapin ang kulturang tunay na naglilingkod sa mamamayan lalo na sa masang anakpawis. Ito’y kulturang tunay na rebolusyonaryo’t demokratiko dahil nagbibigay anyo sa magigiting na pakikibaka’t mga mithiin ng masa.

Dapat palaganapin ang siyentipikong kultura para labanan ang reaksyunaryong ideyalismong inilalako ng imperyalismo’t pyudalismo at pati ang mga pamahiing umiiral pa. Pwedeng bumuo ng nagkakaisang prente ng siyentipikong kaisipan ng proletaryado at mga progresibong aspeto ng materyalismong burges at mga siyensyang pangkalikasan. Pero ang dapat laging namumunong ubod ng siyentipikong kulturang ito ay ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang kulturang ito ang dapat magsilbing gabay sa praktikal na kilusan ng rebolusyonaryong masa at pati sa pagbabago ng ideolohiya ng mga intelektwal.

Sa larangan ng aksyong pampulitika, pwede tayong magkaroon ng anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente kasama ang ilang ideyalista at kahit mga relihiyoso, pero hindi natin masasang-ayunan ang kanilang ideyalismo o doktrina sa relihiyon.

Igagalang ang kalayaan ng mga mamamayan sa paniniwala o di paniniwala sa mga relihiyon. Aktibong ipapalaganap ang syentipikong pananaw at mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo bilang makapangyarihang sandata sa pagrerebolusyon at pagsulong ng lipunan. Hindi hahayaang maging balakid ang mga pagtatalo sa relihiyon sa pagsusulong ng rebolusyon.

6. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangan ng relasyong panlabas?

Pagkatatag sa Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas, magbubukas ito’t magpapanatili ng relasyong diplomatiko at kalakalan sa lahat ng bayang rumerespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa. Titiyaking para sa kapakinabangan ng isa’t isa ang pakikipagrelasyon sa ibang bayan.

Susundin ang mga prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan:

a) pagrespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng isa’t isa

b) di pagsasalakayan

k) di pakikialam sa panloob na mga usapin ng bawat isa

d) pagkakapantay at kapakinabangan ng isa’t isa

e) mapayapang pakikipamuhayan sa ibang bayan anuman ang sistema ng lipunan.

Agad pawawalambisa ang lahat ng di pantay na tratado at kasunduan sa imperyalismong US at iba pang imperyalistang bayan.

Itataguyod ang pinakamatalik at pinakamasiglang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid na sosyalistang estado, partido at lahat ng rebolusyonaryong kilusang lumalaban sa imperyalismo, modernong rebisyunismo at lahat ng reaksyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: